Nawalang pitaka naibalik sa may-ari makalipas ang 75 taon

  • Pitakang nawala noon pang 1940s ang naibalik sa may-ari
  • Natagpuan ang pitaka, kasama ang 14 iba pang pitaka, na nakatago sa pader ng ginigibang paaralan
  • Halos hindi makapaniwala ang 89-year-old na babae na muling makita ang pitaka niya na may mahalagang larawan

Akalain mo ‘yun? Hindi inaasahan ng isang 89-anyos na babae mula sa Missouri sa Amerika na maibabalik pa sa kanya ang pitaka niya na nawala umano noon pang 1940s.

Imahe ula sa Facebook accpunt ni Pastor Seth Beltzell

Natagpuan ang pitaka, kasama ng 14 iba pang pitaka, sa isang paaralan na ginigiba upang gawing simbahan.

Sabi ni Pastor Seth Beltzell, isang tubero na kabilang sa mga trabahador na gumigiba ng Centralia High School building upang gawing simbahan ang nakadiskubre sa labinlimang pitaka. Sa palagay ng pastor ay ninakaw ang mga ito.

“While demoing out the old high school in Centralia, Illinois recently we found a stash of what we assumed to be stolen wallets from the mid-1940s stuffed in a heat vent,” post ni Pastor Beltzell sa kanyang Facebook account.

Wala nang laman na pera ang mga pitaka ngunit naroroon pa ang mga lumang larawan, impormasyon at iba pang dokumento.

Minabuti ng pastor na i-post sa Facebook ang mga pangalan mula sa mga ID na nakuha nila mula sa loob ng mga pitaka sa pagbabaka-sakaling makilala sila ng kanilang kaanak.

“I’m gonna throw some names in here of what appears to be mostly women, so these are probably maiden names. If you know if they are still living or are a family member, we would love to get it back to you!” anang pastor.

Imahe mula sa Facebook account ni Pastor Seth Beltzell

“Most likely, the person that’s owned the wallet is either at the end of their lifespan or no longer living. My best chance was to reconnect with one of their relatives,” dagdag pa niya. At hindi naman siya nagkamali; mayroon ngang tumugon.

Nasorpresa si Pastor Beltzell na ang isa sa may-ari ng pitaka ay buhay pa. Kinontak siya ng mga kaanak ng 89-anyos na si Betty June Sissom na sa Centralia lumaki at ngayon ay sa Chesterfield, Missouri na naninirahan.

Screenshot mula sa video ng KSDK

Sa panayam, sinabi ni Sissom na nagulat siya na naibalik pa ang pitaka niya.

“I can’t imagine somebody stole all those wallets and put them behind the toilet in a space I didn’t even know was there,” aniya. [Hindi ko sukat akalain na may taong nagnakaw ng mga pitakang iyun at inilagay lamang sa likod ng banyo sa isang espasyo na ni hindi ko batid na mayroon pala doon.]

Nakuha sa wallet ni Sissom ang ilang larawan ng mga dati niyang classmates at ng kapatid niyang lalaki na nagsilbing kawal noong World War II, kaya’t laking tuwa ni Sissom na ito’y muling napasakamay niya.

Screenshot mula sa video ng KSDK

“I was just so glad to get that, because I don’t have a picture of him,” ani Sissom. [Labis akong natuwa sapagkat wala akong larawan niya.]

Umaasa si Sissom na ang iba pang pitakang natagpuan ay maibabalik sa mga may-ari.

“I’m sure the other people whose wallets they found — hopefully they’re still alive — would be as excited as I am,” aniya. [Tiyak na matutuwa ang mga may-ari ng mga pitaka — harinawang buhay pa sila — gaya na kasiyahan ko ngayon.]

Screenshot mula sa video ng KSDK
Source :

Facebook, UPI, YouTube