Mga history books, school supplies na dapat ipamimigay sa mga mag-aaral ibinenta sa junk shop

  • History books at school supplies na binili ng Cebu provincial government ibinenta sa junk shop
  • Ang mga aklat at school supplies ay ipamimigay sana nang libre sa mga mag-aaral
  • Piso lang kada kilo ang ibinayad ng junk shop sa mga aklat at school supplies

Napunta lang sa junk shop ang mga bagong aklat at school supplies na binili ng provincial government ng Cebu na dapat sana ay ipamamahagi nang libre sa mga mag-aaral sa Grade 3 at Grade 4 noong nakaraang buwan.

Imahe mula sa PIO Cebu

Ang nasa isandaang piraso ng history books at 800 sets ng mga school supplies na aabot sa P34,000 ang kabuuang halaga ay ibinenta sa halagang P4,000 lang ng isang kawani ng kapitolyo ng Cebu na hindi pa pinapangalanan habang ginagawa ang imbestigasyon.

Ang bawat set ng school supplies ay mayroong isang notebook, isang pad paper at isang lapis na nakalagay sa loob ng isang plastic envelop; isang patunay na inihanda na ang mga ito para sa distribusyon sa mga mag-aaral.

Sinabi ni Bernard Calderon, hepe ng  Provincial General Services Office ng Cebu, na isang concerned citizen ang nag-tip sa kanila na ang mga aklat at school supplies ay ibinenta sa isang junk shop sa Barangay Canduman sa Mandaue City.

Piso lang kada kilo ang ibinayad ng junk shop sa mga aklat at school supplies.

Ayon kay Calderon, sinabi ng kawaning nagbenta na inutusan lang siya ng isang miyembro ng distribution committee ng Local School Board.

“Somebody instructed him daw. Ang sinabi raw sa kaniyang term ay linisin ito o kumbaga ay wala dapat matira. Ang inimplicate niya ay somebody sa school board na staff,” ani Calderon.

Imahe mula sa PIO Cebu

“Isa sa staff ko ‘yung tinutukoy. Tapos sa initial investigation, ang in-implicate na other members ay ‘yung nasa distribution committee ng school board,” dagdag pa niya.

Kalaunan daw ay binawi ng kawani ang unang pahayag at sinabi na siya lang mag-isa ang nagbenta ng mga supplies.

Nabawi naman ng mga awtoridad ang mga aklat at school supplies mula sa junk shop.

Imahe mula sa PIO Cebu