Manny Pacquiao pinag-iisipang bumili ng NBA team pagkatapos ng boxing career

  • Manny Pacquiao may balak maging part-owner ng isang NBA team kapag nagretiro sa boksing
  • Isiniwalat niya na siya ang founder ng semi-professional basketball league sa bansa na MPBL
  • Bilang professional basketball player, si Pacquiao ay naging playing coach ng Kia Picanto team

Muling napatunayan ni Manny Pacquiao na sa edad 40 ay kaya pa rin niyang makipagsabayan sa mga mas batang boksingero matapos niyang talunin ang American boxer na si Keith Thurman via split decision.

Imahe mula sa Facebook account ni Tony Enciso, Jr.

Nasungkit ni Pacquiao mula kay Thurman, 30 anyos, ang WBA superwelterweight crown sa kanilang laban na ginanap sa MGM Grand Garden arena sa Las Vegas Linggo ng tanghali (oras sa Pilipinas), ika-21 ng Hulyo.

Sa huling panalo niyang ito ay mukhang hindi pa siya magreretiro sa pagboboksing. Pero alam n’yo ba na may balak pala si Manny Pacquiao na bumili ng NBA team pagkatapos ng boxing career niya?

Sa panayam sa kanya bago simulan ang laban kay Thurman, sinabi ni Pacquiao na pinag-iisipan niyang bumili ng NBA team sa oras na magretiro na siya sa boxing.

“I’m thinking about that,” sagot ni Pacman sa tanong na kung may balak ba siyang maging part-owner ng isang NBA team.

Sinabi pa niya na sa katunayan ay siya ang may-ari ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL).

Screenshot mula sa video ng TMZ

“Actually, I own a (basketball) league in the Philippines which is so popular right now… MPBL. You can Google it and you can search for it in the internet,” aniya.

Hindi naman lingid sa kaalaman ng marami na bukod sa pagboboksing ay mahal ni Pacquiao ang pagba-basketball.

Imahe mula sa Yahoo Sports

Noong 2014 PBA Rookie Draft ay pinili siya ng bagong team na Kia Picanto at ginawa pang playing coach. Nakatatlong taon din siya bilang professional basketball player at nakapagtala ng career-high na 4 points sa laban kontra Blackwater Elite noong 2016 PBA Commissioner’s Cup.

Ang MPBL, isang regional men’s semi-professional basketball league, ay itinatag ni Manny Pacquiao noong August 29, 2017.

Source :

TMZ, Complex