Kotongerong MTPB enforcer na ipinahanap ni Mayor Isko, nahuli na

  • MTPB enforcer na nangotong at ipinahanap ni Mayor Isko, nahuli na
  • Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa opisina ng Special Mayor’s Reaction Team
  • Pinasalamatan ni Mayor isko ang netizen na nag-upload sa social media ng video ng pangongotong

Hindi pa man natapos ang isang araw na palugit na ibinigay ni Mayor Isko Moreno sa mga traffic enforcers ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) para isuko ang kasamahan nila na na-videohang nangotong ay agad nahuli ang suspek.

Imahe mula sa Manila PIO

Kinilala ang tiwaling MTPB enforcer na si Ricardo Galit, residente ng Baseco Compound sa Tondo, Maynila.

Nauna rito, binalaan ni Mayor Isko ang mga MTPB traffic enforcers na lahat sila ay tatanggalin sa trabaho kapag hindi nila itinuro kung sino ang kasamahang nangotong sa isang pamilyang motorista na nahuling walang helmet sa Sta. Cruz, Maynila.

“Bibigyan ko kayo ng isang araw, ha. ‘Pag hindi n’yo itinuro sa ‘kin ‘yung nasa video lahat kayo tatanggalin ko. Tandaan n’yo ‘yan,” galit na sabi ng alkalde matapos ang flag raising ceremony sa Andres Bonifacio Shrine.

Bago magtanghali ng Lunes ay nagpatawag ng press conference ang alkalde matapos i-turn over sa kanya ng MTPB ang suspek. Iprinisinta niya si Galit sa mga reporter.

Nagpasalamat din si Mayor Isko sa netizen na nag-upload ng video ng pangongotong.

“Maraming salamat ho sa netizen. Maraming salamat doon sa concerned na tao na vinideohan sila ng CCTV at ipinost. Maraming salamat sa netizen sa pagtulong n’yo sa akin na masawata itong mga bulok na kamatis,” anang mayor.

Imahe mula kay Maribeth Pador via Facebook

Hinubaran ni Mayor Isko ng uniporme si Galit at kinumpiska ang ID nito bago dalhin at ipiit sa opisina ng Manila City Hall Special Mayor’s Reaction Team at nag-warning sa iba pang MTPB personnel na huwag pamarisan ang suspek.

“Sa lahat ng MTPB, ganito ang mangyayari sa inyo kapag kayo ay nangotong pa,” aniya habang ipinapakita ang hinubad na uniporme at ID ni Galit.

Imahe mula sa Manila PIO