Grandmaster Wesley So magbibigay ng libreng chess education sa mga batang Pinoy

  • Fil-Am Grandmaster Wesley So magreregalo ng free chess education sa mga batang Pinoy
  • Nakipag-partner si Wesley sa Chesskid, isang online platform para matuto ng chess game
  • Ang mga batang edad 5 hanggang 15 ay bibigyan ng free basic membership sa Chesskid

Magbibigay ng libreng chess education para sa mga batang Pinoy na mahilig sa chess ang Filipino-American Grandmaster na si Wesley So.

Imahe mula kay Euku

Sinabi ni Wesley na bilang pagtanaw ng utang na loob sa suportang ibinigay sa kanya ng mga Pilipino noong nagsisimula pa lang siya sa kanyang chess career ay reregaluhan niya ang mga batang Pinoy ng libreng chess education sa pamamagitan ng Chesskid; isang ligtas na online platform para matuto ang mga bata sa paglalaro ng chess.

Sa pamamagitan ng partnership ni Wesley sa Chesskid, ang mga batang Pinoy, partikular na ang nasa edad 5 hanggang 15, ay pagkakalooban ng free basic membership.

Sa isang Facebook post, ipinaliwanag ni Wesley kung bakit isinusulong niya ang chess education para sa mga bata. Aniya, makatutulong ang larong chess para ma-develop sa mga bata ang mga skills na kapaki-pakinabang.

“Learning chess will allow children to develop important skills in life such as strategy, tactics, creativity, perseverance, and calculated risk-taking,” aniya.

Dagdag pa ng Fil-Am Grandmaster, ““Research has also shown that chess improves academic performance.”

Imahe mula sa Chesskid

Ibinahagi pa ni Wesley na magmula nang lumipat siya sa Amerika at nakamit ang ilang tagumpay sa larangan ng chess ay palagi niyang iniisip kung ano ang magagawa niya sa mga kapwa Pilipino.

“Ever since I moved to the United States, I have been thinking of my countrymen and what I can do for them. Many people supported me when I was just a kid trying to find my way in the competitive world of chess,” aniya.

At ngayong nakamit na niya ang tagumpay sa naturang sport, masaya raw siya oportunidad na maibalik sa kapwa ang suportang ibinigay sa kanya noon.

Imahe mula sa Chesskid

Si Wesley ay isang chess prodigy mula sa Cavite. Inirerepresenta niya ang Pilipinas sa mga chess tournaments bago siya lumipat sa United States noong 2014.