Galit si Mayor Isko: Lahat ng MTPB traffic enforcers tatanggalin sa trabaho kapag hindi itinuro ang nangotong na kasamahan

  • Mayor Isko sinermunan ang mga MTPB personnel
  • Nagbabala si Mayor Isko na tatanggalin lahat ng traffic enforcers ng MTPB  kapag hindi itinuro ang isang kasapi na nangotong
  • Ang pangongotong ay nakunan ng video at ibinahagi sa social media

“Kasalanan ng isa, kasalanan ng lahat.”

Ito ang sinabi ni Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa mga miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) nitong Lunes, ika-22 ng Hulyo, matapos ang isinagawang flag ceremony sa Andres Bonifacio Shrine.

Screenshot mula sa video ng Changes in the Philippines YouTube channel

Binalaan ni Mayor Isko ang mga MTPB members na tatanggalin silang lahat sa trabaho kapag hindi nila itinuro o isinuko ang kasamahan na nakunan sa video na nangotong sa isang pamilya na nakasakay sa motorsiklo.

Binigyan sila ng palugit na isang araw para i-surrender ang nangotong na MTPB traffic enforcer.

“Bibigyan ko kayo ng isang araw, ha. ‘Pag hindi n’yo itinuro sa ‘kin ‘yung nasa video lahat kayo tatanggalin ko. Tandaan ninyo ‘yan,” galit na sabi ni Mayor Isko.

“Isang koponan…kasalanan ng lahat. ‘Pag hindi kayo nagsumbong  ng kapwa n’yo nangongotong, damay-damay tayong lahat dahil ang pananahimik ninyo ay pagpayag ninyo,” dagdag pa ng alkalde.

Inihalintulad ni Mayor Isko ang tiwaling MTPB traffic enforcer sa kamatis. ‘Yung nangotong ay tulad daw ng isang bulok na kamatis sa loob ng isang kaing ng mga kamatis.

“Ang kamatis kahit iisa lang ang bulok, kayang bulukin ‘yung buong kaing ng kamatis,” aniya. Ang galit ni Mayor Isko ay nag-ugat sa isang video na ibinahagi ng isang netizen sa Facebook.

Screenshot mula sa video ng Changes in the Philippines YouTube channel

“Mayor isko… Ito po nangongotong sa lugar po namin… Fugoso st. Cor. Rizal Ave.,” post ng isang netizen, si Maribeth Pador, sa social media platform na Facebook.

Makikita sa video ang tatlong sakay ng motorsiklo na walang suot na helmet ang kinakausap ng MTPB personnel.

Sa isang punto ay nakitang naglabas ng pera ang lalaki at ibinigay sa kasamang babae. Binilang muna ng babae ang pera at inipit iyon sa driver’s license bago inabot sa tiwaling traffic enforcer.

Makikita ang maagap na tugon dito ng masigasig na mayor: “Pahingi po ng kopya ng cctv from your system pls… ng makastigo ko lang yan mga yan, mga anay ng bahay yan kaya dapat asap ma pesticide agad baka dumami pa.”

Iclick ang imahe para sa video via Facebook
Source :

Facebook, YouTube