Utos ni Pang. Duterte, lahat ng domestic flights ilipat sa Sangley Point sa Cavite

Matapos madismaya sa runway congestion na nararanasan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na agad masimulan ang operasyon ng Sangley Point Air Base sa Cavite.

Ang Sangley Point Air Base o Major Danilo Atienza Air Base ay dating US Naval Station na ibinalik ang operasyon sa Philippine Navy at Philippine Air Force noong 1971.

Ang dating Department of Transportation and Communications (Department of Transportation na ngayon) ay may plano na noon pang 2014 na gawing isang international airport ang Sangley.

Imahe mula sa Wikimedia

Ayon sa ulat ng Philstar, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na ipinag-utos ni Pangulong Duterte na agad ilipat sa Sangley Point ang lahat ng domestic flights.

Sinabi ng Pangulo ang direktiba sa Cabinet meeting noong Lunes ng gabi, ika-10 ng Hunyo, matapos ang ginawa niyang surprise inspection sa NAIA dahil sa napapaulat na flight delays at flight cancellations sa paliparan.

Makaraang humingi ng paumanhin sa mga apektadong pasahero, nagpahaging ang Pangulo ng posibleng balasahan sa main international gateway ng bansa.

Imahe mula sa Malacañang

“The President directed operations in Sangley Point to start immediately,” sabi ni Panelo hinggil sa direktiba ng Pangulo.

Ayon pa sa tagapagsalita ng Pangulo, ang direktiba ni President Duterte ay batay sa mungkahi ni Transportation Secretary Art Tugade.

“To ease congestion at the Ninoy Aquino International Airport, Tugade presented the plan to transfer general aviation or domestic flights to Sangley Air Base,” ani Panelo.

Imahe mula sa Malacañang

Dagdag niya, “Tugade reported that he had already initiated the testing of ferries that can operate from the Mall of Asia to Sangley within 18-24 minutes.”

Sabi pa ni Panelo, nais ng Pangulo na sa Nobyembre simulan ang operasyon ng Sangley Point, taliwas sa mungkahi ni Sec. Tugade na Disyembre.