Security screening officer ng NAIA sinisante dahil sa pagkuha ng pera sa pitaka ng turista

Sinisante at sasampahan ng kasong administratibo ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang isang security screening officer na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 dahil sa pagkuha nito ng pera sa pitaka ng isang turista.

Ayon sa ulat ng GMA, kinilala ang screening officer na si Nissan Abellon Villarino na diumano ay kumuha ng HK$2,000 sa pitaka ng isang turistang Hong Kong national.

Sa post sa social media ni Jackie Freeman Yuen, nangyari ang insidente nang dumaan sila sa final security screening para sa flight nila pabalik sa Hong Kong noong Lunes, ika-10 ng Hunyo.

Pinilit daw ni Villarino na magsagawa ng manual inspection sa bag ng isa niyang kasamahan.

Imahe mula sa Facebook account ni Jackie Freeman Yuen

Ayon kay Mr. Yuen, kumuha ang suspek ng dalawang piraso ng HK$1,000 na katumbas ng mahigit P13,000 kahit na tumatanggi ang biktima na hindi raw marunong magsalita ng wikang Inggles.

Nang malaman ng mga kasamahan ng biktima ang nangyari ay kinompronta nila si Villarino na ibinalik naman daw ang pera.

Hindi agad nakapagsampa ng reklamo ang biktima dahil kailangan na nilang sumakay ng eroplano, subalit pagdating sa Hong Kong ay nakipag-ugnayan si Mr. Yuen sa MIAA sa pamamagitan ng isang post sa social media.

Agad na inimbitahan ng Airport police si Villarino at nagsagawa ng video call upang magkaharap ang biktima at ang suspek.

mahe mula sa Facebook page ng DOTr

Itinanggi ni Villarino na sapilitan niyang kinuha ang pera, pero inamin niya na pabiro siyang humingi ng pera sa complainant.

“Ang tunay na nangyari doon, nung pag-inspect ko sa bag nakita ko po ‘yung maraming pera niya. E, di biniro ko lang po siya na baka pwedeng humingi ng isa. Binigay naman po niya ng kusang loob. Lilinawin ko po na hindi ko po ninakaw,” paliwanag ng suspek.

Imahe mula sa Facebook page ng DOTr

Humingi naman siya ng paumanhin sa MIAA at sa turista sa nagawa niyang abala.

Ayon sa Airport police, sasampahan ng criminal case si Villarino kung itutuloy ng biktima ang kanyang reklamo.