PLDT pinutakte ng reklamo dahil sa sobrang bagal ng Home Fibr connection

Maraming subscribers ng PLDT DSL plan ang nag-upgrade sa mas mahal na Home Fibr plan dahil sa pangakong mas mabilis na internet connection.

Sa DSL plans kasi ay copper wire technology ang ginagamit na may speed na hanggang 15 megabits per second (mbps) samantalang ang Home Fibr plans ay gumagamit ng fiber optic technology na kaya umanong magbigay ng internet speed na hanggang 100 Mbps – 1 Gbps (gigabits per second).

Sabi ng PLDT sa website nila, ang Fibr daw ang “the most advanced internet service in the country.”

Imahe mula sa PLDT

Nitong mga nakaraang araw ay pinutakte ng reklamo ang PLDT ng ilang mga subscribers mula sa iba’t ibang panig ng Luzon dahil sa nararanasang sobrang bagal na internet connection. Tinawag pa ng ilan na bulok ang serbisyo ng PLDT.

Base sa mga online posts ng mga nagrereklamo, noong nakaraang linggo pa nagsimula ang matinding pagbagal ng internet connection ng Home Fibr at may iba naman na nakararanas ng talagang walang connection.

“Super lag talaga. Online tutor ako. Nagkaproblema ako talaga. Speedtest result – Ping: 483 , Download: 9.57, Upload: 2.21. Super bagal kahit Fibr. Inefficient ang service ng PLDT ngayon. Patay na ang rating ko sa mga students ko. Huhuhu! Pls resolve the issue ASAP…. Maawa kayo!” sabi ng isang Charie sa discussion website na downdetector.ph.

Screenshot mula sa downdetector.ph

Ayon naman sa isang Facebook user mula sa Vigan, Ilocos Sur ay offline daw lahat ng banko at iba pang establisyimento doon dahil nawalan ng internet connection ang PLDT.

Ganoon din ang reklamo ng isang netizen mula sa Nueva Ecija: “Entire Nueva Ecija has lost connection today. Gusto nila buong Northern Luzon mag send ng PM? This is a massive outage, not a single account issue.”

“Dear PLDT, nag Fiber na kami pero bulok pa rin,” tweet ng isang nagngangalang Jared.

Screenshot mula sa downdetector.ph

Bukod sa Ilocos Sur at Nueva Ecija, nakararanas din ng matinding pagbagal ng internet connection ang Baguio City, Pangasinan, Isabela, Cagayan, La Union at Bulacan.

Maging dito sa Cavite, kung nasaan ang writer na ito na isang subscriber  ng PLDT Home Fibr Unli Plan 1899 na up to 20Mbps daw ang speed , ay napakabagal ng internet connection….mahigit isang linggo na.

Imahe mula sa PLDT

Hanggang ngayon ay wala pang opisyal na pahayag ang PLDT tungkol sa isyu.