Pangako ni Pangulong Duterte na 5 minutes na biyaheng Cubao-Makati, ‘di literal – MMDA chief

Hindi dapat gawing literal ang pag-unawa sa pangakong binitiwan ni Pangulong Rodrigo Duterte na paiikliin sa limang minuto na lang ang biyahe mula sa Cubao, Quezon City hanggang Makati City.

Ito ang panawagan sa publiko ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman na si Danilo Lim.

Magugunitang sinabi ng Pangulo na inaasahan niyang sa buwan ng Disyembre ay maaaring mapaikli sa 5 minutes na lang ang biyahe ng 12.8-kilometer stretch ng EDSA mula Cubao hanggang Makati.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

Ayon sa ulat ng ABS-CBN, sinabi ni Lim na ang ipinahayag ni Pangulong Duterte ay nangangahulugan ng “malaking pagbabago” sa daloy ng trapiko sa EDSA.

“Umasa tayo ng malaking pagbabago, improvement sa flow ng traffic sa buwan ng Disyembre. Siguro ‘yung 5 minutes na sinasabi niya, huwag nating gawing literal,” ani Lim. 

Inamin ni Lim na maituturing na “mission impossible” ang pangako ng Pangulo, subalit may mga pagpa-plano silang ginagawa upang mapabilis ang daloy ng trapiko sa EDSA.

“Mission impossible pero ngayon pa lang magpaplano na kami ng mga traffic schemes para mapatupad ‘yan,” anang MMDA chief.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

Sa kasalukuyan, ang umiiral na speed limit para sa mga sasakyan sa EDSA ay hanggang 60 kilometers per hour (kph) lang. Upang makuha sa limang minuto ang biyahe mula Cubao hanggang sa Ayala, Makati  ay kailangang tumakbo ang mga sasakyan ng 155 kph.

Lubhang napakabilis ng 155 kph, nauna nang sabi ni MMDA Special Operations Group head na si Edison “Bong” Nebrija.

Ayon pa kay Nebrija, posibleng mapabilis ang daloy ng EDSA traffic kung walang kokontra sa mga ipapanukala ng MMDA gaya ng high occupancy vehicle policy, provincial bus terminal ban, at pagbabawal sa pagsakay at pagbaba sa ilang lugar. 

“This is a radical pronouncement by the president that needs a radical solution. So that’s what we’re trying to come up with,” pagtatapos ni Nebrija.