Oportunidad para sa local hog raisers: Mag-export ng baboy sa mga bansang may ASF

  • Malaking oportunidad para sa local hog raisers ang ASF outbreak sa ibang bansa
  • Local hog raisers pinadadagdagan ang produksiyon ng mga baboy para i-export sa ASF-stricken countries
  • Bansang Laos apektado na rin ng ASF

Sa gitna ng pananalasa ng African Swine Fever (ASF) sa halos dalawampung mga bansa ay nakakita ang Department of Agriculture (DA) at Bureau of Animal Industry (BAI) ng magandang oportunidad para sa mga local hog raisers.

Imahe mula sa Panay News

Ang ASF ang pinakadelikadong sakit na tumatama sa mga baboy pero wala naman itong masamang epekto sa mga tao. Wala pang natutuklasang gamot o bakuna laban sa naturang sakit ng mga baboy.

Ayon kay Dr. Ronnie Domingo, OIC-Director ng BAI, lubhang nakababahala ang mabilis na pagkalat ng ASF subalit isang malaking oportunidad ang hatid niyon sa mga bansang hindi apektado ng ASF  kagaya ng Pilipinas.

Nauna nang nanawagan si DA Secretary Manny Piñol sa mga local hog raisers na magdagdag ng kanilang produksiyon para matugunan ang posibilidad na makapag-export ng mga karne ng baboy at iba pang pork products sa mga bansang apektado ng virus.

Mataas ngayon ang demand sa karne ng baboy sa mga apektadong bansa dahil sa kakulangan ng supply.

Imahe mula sa Facebook account ni Sec. Manny Piñol

“I would like to appeal to our hog raisers to produce more because there will be a great market for pork and pork products this year,” ani Piñol.

Nilinaw ni Piñol na hindi tayo nagdiriwang sa nangyayaring outbreak sa ibang bansa subalit kailangang samantalahin ang pagkakataon at sunggaban ang oportunidad na maging major producer ng pork sa rehiyon ang Pilipinas.

Kabilang sa mga bansang may ASF outbreak ay ang Belgium, Bulgaria, China, Czech Republic, hungary, Latvia, moldovia, Poland, Romania, Russia, South Africa, Ukraine, Zambia, Mongolia, Vietnam, Camodia, Hong Kong at North Korea.

At nito lang nakalipas na dalawang araw ay nagdeklara na rin ang bansang Laos ng ASF outbreak. Ang Laos ay katabing-bansa ng Vietnam na nauna nang naapektuhan ng virus.

Imahe mula sa Facebook page ni Sec. Manny Piñol

Mahigpit ang ginagawang pagbabantay ng ating pamahalaan kaya nananatiling ASF-free ang Pilipinas bansa.

Nanawagan si Dr. Domingo sa mga OFW na nasa apektadong bansa at sa mga katabing bansa ng mga ito na itinuturing na high-risk areas,  na huwag mag-uuwi ng mga pork products mula doon upang hindi makapasok dito ang virus na posibleng ikalugmok ng local hog industry.