Nissan Electric Ice Cream Van, ang sorbetero of the future

  • Gumawa ng isang all-electric ice cream van ang Nissan
  • Ang electric ice cream van ay tinawag na “Sky to Scoop”
  • Balang araw, posibleng electric ice cream van na ang gamitin ng paborito nating mamang sorbetero

Ang konsepto ng ice cream van ay hindi popular dito sa Pilipinas. Ang mayroon tayo dito ay ang mga ice cream cart na makikita sa mga lansangan na itinutulak ng mamang sorbetero.

Imahe mula sa Nissan

Kadalasan, ang ice cream van ay nakikita lang ng mga Pinoy sa mga banyagang pelikula dahil ang mga van na puno ng sari-saring klase at flavors ng ice cream ay pamoso sa maraming panig ng mundo.

Kaya lang, ang mga ice cream vans, lalo na ang mga lumang modelo na gumagamit ng diesel, ay nakapag-aambag sa air pollution.

Kahit kasi nakahinto para magbenta ng ice cream sa mga suki ay kailangang umaandar ang makina ng sasakyan para tuluy-tuloy na gumana ang refrigeration equipment nito.

Ilang bayan na nga sa Europe ang gustong ipagbawal ang mga ice cream vans dahil sa mga usok na ibinubuga ng mga iyon.

Imahe mula sa Nissan

At kung tuluyan nang maipagbabawal ang mga ice cream vans na nagbubuga ng masamang usok, posibleng hindi na muling masisilayan pa ang saya sa mukha ng mga parukyano nito na naghihintay sa kanilang pagdating.

Para mapanatiling buhay ang ice cream vans para sa mga susunod na henerasyon, gumawa ang Nissan, isang car manufacturer, ng isang ice cream van na gumagamit ng renewable energy – ang Nissan Electric Ice Cream Van na tinawag nilang “Sky to Scoop.”

Imahe mula sa Nissan

“Ice cream is enjoyed the world over, but consumers are increasingly mindful of the environmental impact of how we produce such treats, and the ‘last mile’ of how they reach us,” sabi ni sabi ni Kalyana Sivagnanam, managing director ng Nissan Motor GB Ltd. 

Dagdag pa niya, “By eliminating harmful tailpipe emissions, and increasing our use of renewable energy, we can help make this a better world for everyone.”

Para sa electric ice cream van project, ang Nissan ay nakipag-partner sa Scottish ice cream maker na Mackie’s na gumagamit ng 100% renewable energy sa kanilang planta.

Imahe mula sa GoGetFunding

Dahil all-electric commercial vehicle ang “Sky to Scoop” at walang usok na ibinubuga, ay maaari nang manatiling buhay ang mga ice cream vans.

Malay natin, baka sa future ay ganito na rin ang gagamitin ng paborito nating mamang sorbetero.