Morissette Amon muling makakasama si Michael Bolton sa bagong talent search show

Muli na namang magsasama sa isang talent search show ang Pinay singer at dating aktres na si Morisette Amon at multi-awarded American singer-songwriter na si Michael Bolton.

Ibinida ng manager ni Morissette na si David Cosico, president ng RankOne Productions and Entertainment,  sa isang Facebook post noong June 10 ang tungkol sa reality talent show na pagsasamahan ng dalawa.

“It’s out of the bag! Watch out for this brand new reality talent show all over Asia with multi-awarded singer-songwriter Michael Bolton and Asia’s Phoenix, the exceptional Morissette!” post ni Cosico.

Imahe mula sa Instagram account Ni Morissette Amon

Sa mga larawan sa Facebook post ni Cosico ay makikitang magkasama si Michael Bolton at Morissette.

Ang bagong reality talent search show ay nauna nang inanunsiyo ni Michael Bolton sa kanyang Facebook page. Aniya, ang bagong show na tatawaging “Asian Dream” ay sa Singapore gagawin.

Inaasahan na anim na Asian contestants sa talent search show ang magkakaroon ng pagkakataon na makasama ni Bolton sa Asian Dream concert tour at maging ambassador ng Subaru, ang  automobile manufacturing division ng Japanese transportation conglomerate na Subaru Corporation at co-creator ng talent show.

Imahe mula sa Facebook page ni David Cosico

“This is SO exciting!!! #AsianDream new reality competition show centered in Singapore with I LOVE SUBARU to coach, mentor and challenge 6 rising stars! Coming soon….,” post ng 66-year-old na American singer.

Si Michael Bolton at si Morissette ay kapwa nasa Singapore para sa paghahanda sa nalalapit na bagong show.

“We have been keeping this for over two months now. I am so happy. God has been truly faithful to His promises,” sabi ni Morissette na noong Mayo pa nasa Singapore, ayon sa phone interview sa kanya ng ABS-CBN.

Si Morissette ay naging co-host ni Michael Bolton sa isa ring Asian talent show – ang Bolt of Talent – noong taong 2017.