Mga tahong sa Pilipinas positibo sa microplastics

Lumabas sa isang pagsusuri na isinagawa ng De La Salle University (DLSU) na ang mga tahong sa Pilipinas ay positibo sa microplastics o mga maliliit na hibla ng plastic.

Sa nasabing pag-aaral, kumuha ng tatlong samples sa iba’t ibang lugar sa bansa ang grupo na pinangunahan ni Dr. Jose Isagani Janairo mula sa DLSU sa pakikipagtulungan sa Department of Science and Technology (DOST).

Ayon sa ulat ng GMA, ito ang kauna-unahang pag-aaral sa tahong na isinagawa sa Pilipinas na nagkumpirma na may microplastics ang ilang samples na sinuri.

Screenshot mula sa video ng GMA

Ang mga microplastics ay nakasasama sa mga coral reefs at sa mga lamang-dagat. Pinangangambahang may masamang epekto rin sa mga tao ang mga maliliit na hibla ng plastic na hindi nakikita ng ating mga mata.

Sa pagsusuri na isinagawa sa Science and Technology Research Center ng DLSU tinunaw ang mga sample ng tahong at sinala. Pagkatapos ay dinala sa DOST ang mga tinunaw na tahong upang isailalim sa Fourier-transform infrared spectroscopy (FTIR).

Sa ginawang FTIR sa Advanced Device and Materials Testing Laboratory ng DOST ay nalaman kung anong uri ng contaminants ang mayroon sa mga tahong.

Imahe mula sa video ng GMA

Doon ay nakumpirma na ang dalawang samples ng mga tahong ay positibo sa microplastics at ang ikatlong sample ay positibo sa “suspected microplastics.”

Ayon kay Dr. Janairo, polyethylene o PET ang uri ng plastic na nakita sa mga tahong. Ito ang karaniwang klase ng plastic na ginagamit na container ng mga mineral water. Ang mga kemikal na kumakapit sa mga microplastic ay maaaring malipat sa tao kapag kinain ang mga lamang-dagat na kontaminado.

Nananawagan naman ang grupong Greenpeace na ipagbawal ang paggamit ng single-use plastic na madalas ay nadudurog kapag napapadpad sa karagatan at kinakain ng mga lamang-dagat.

Hindi naman naalarma ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa naging resulta ng pagsusuri sa mga tahong.

Imahe mula sa Encouraging Treats

Sinabi ni Roy Ortega, ang hepe ng BFAR Aquaculture Division, na ligtas kainin ang mga tahong sa bansa maliban na lang kung may red tide alert.

“Ito ay hindi dapat ikabahala. Ang tahong sa Pilipinas po ay masasabi nating ligtas kainin, maliban na lamang sa mga panahon na mayroon tayong tinatawag na red tide alert,” ani Ortega.