Electric fan masamang itapat sa mukha – Dr. Willie Ong

Ang pagtapat ng electric fan sa mukha kapag nais magpalamig ay mayroon palang idinudulot na hindi maganda sa kalusugan. Ito ay ayon sa TV personality at manggagamot na si Dr. Willie Ong.

Si Dr. Ong ay nakilala ng madla bilang resident doctor ng Salamat Dok, isang medical television program ng ABS-CBN. Noong nakaraang halalan ay sinubok niyang pumasok sa politika at kumandidato sa pagka-senador ngunit hindi pinalad na manalo.

Sa isang Facebook post nitong June 17, sinabi ni Dr. Ong na posibleng maging sanhi ng pansamantalang pagkaparalisa ng mukha ang pagtapat ng electric fan sa ating mukha. Maaari rin daw na magresulta iyon sa sore throat.

Imahe mula sa Esquire

Makikita sa post ni Dr. Ong ang larawan ng isang babaeng natutulog at nakatapat sa mukha ang electric fan. Ang caption ay “Electric Fan: Huwag itapat sa mukha baka magka-Bell’s Palsy at sore throat.”

Ayon sa kanya, hindi alam ng marami ang masamang epekto na maaaring idulot ng  pagtatapat ng electric fan sa mukha.

“Hindi alam nang marami na puwedeng maparalisa ang mukha sa paggamit ng electric fan. Kapag natulog kang nakatapat sa electric fan, puwede kang magkaroon ng Bell’s Palsy. Ito ’yung ngumingiwi ang isang parte ng mukha,” ani Dr. Ong na isa ring vlogger na may 1.3 million subscribers.

Imahe mula sa Facebook account ni Dr. Willie Ong

Ang Bells’ Palsy ay isang uri ng temporary facial paralysis. Kadalasan, ilang linggo lang ay magsisimula nang bumuti ang kalagayan ng dinapuan nito at posible ang complete recovery sa loob  ng anim na buwan.

Ang mga natutulog nang nakanganga at may electric fan na nakatapat sa kanilang mukha ay posibleng magkaroon ng sore throat, ayon pa kay Doc Willie Ong.

Ang payo niya ay maglagay ng kulambo at ipaikot-ikot ang electric fan at huwag itatapat sa iyo.

Source :

Facebook