Chinese ship na nakabangga sa PH boat inabandona ang mga mangingisda sa lumubog na bangka

Mariing kinondena ni Secretary Delfin Lorenzana ng Department of National Defense ang ginawang pag-abandona ng isang  Chinese fishing vessel sa nabangga nito at napalubog na fishing boat ng mga Pilipinong mangingisda.

Ayon sa GMA, sa isang opisyal na pahayag ay sinabi ng Defense secretary na agad umanong umalis ang Chinese vessel at iniwan sa dagat ang 22 Filipino fishermen na lulan ng nabanggang Pinoy fishing boat na F/B Gimver1.

Naganap ang kolisyon ng dalawang sea vessels sa Recto Bank (tinatawag ding Reed Bank) sa West Philippine Sea noong Linggo ng gabi ika-9 ng Hunyo 2019.

Imahe mula sa Office of the Department of National Defense

Kasalukuyan umanong naka-angkla ang fishing boat ng mga Pinoy nang mabangga ito ng Chinese fishing vessel na agad umalis matapos ang insidente.

Sa kabutihang-palad ay may isang Vietnamese fishing vessel malapit sa pinangyarihan ng collision at agad na tinulungan at dinala sa ligtas na lugar ang mga mangingisdang Pilipino.

Ang BRP Ramon Alcaraz, na kasalukuyang nagsasagawa ng routine maritime patrol sa lugar ang naatasang tumulong sa recovery ng F/B Gimver 1 at crew nito.

“A collision between a Chinese and Filipino vessel was reported by Filipino fishermen near the Recto Bank in the West Philippine on the evening of June 9, 2019. The collision sank the Filipino vessel,” ani Lorenzana.

“We denounce the actions of the Chinese fishing vessel for immediately leaving the incident scene abandoning the 22 Filipino crewmen to the mercy of the elements,” dagdag pa ng Defense secretary matapos na pasalamatan ang captain at crew ng Vietnamese vessel.

Nanawagan si Lorenzana na magsagawa ng pormal na imbestigasyon sa pangyayari at humiling ng diplomatic steps laban sa China upang maiwasang maulit ang insidente.