ASEAN kulay pula ang itinaas sa PH flag sa pagbati nito sa Independence Day ng bansa

Sa ginawang pagbati ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) para sa 121st Independence Day na ipinagdiriwang ngayong ika-12 ng Hunyo ay tila ipinahihiwatig nito na angPilipinas ay nasa gitna ng digmaan.

Ito ay dahil sa larawang ipinost ng ASEAN sa Facebook page nito kung saan makikita ang apat na Asians – dalawang lalaki at dalawang babae na malamang ay hindi mga Pilipino – na hawak ang bandila ng Pilipinas na kulay pula ang nasa itaas.

Imahe mula sa Facebook page ng ASEAN

Ayon sa Section 10 ng Republic Act No. 8491 o ang Flag and Heraldic Code of the Philippines, ang kulay asul ang nakataas kapag panahon ng kapayapaan at pula naman ang nakataas kapag may digmaan.

Imahe mula sa Flag and Heraldic Code of the Philippines

Ilang Pilipino na agad na nakapansin sa pagkakamali ng ASEAN ang nagbigay ng komento sa post.

“Please change the picture. Not happy it is displayed that way in this special occasion,” ayon sa isang Jake Penarubia Beltran.

“Thanks for the greetings ASEAN brothers and sisters! However the PH flag held was wrongly positioned. It’s a big deal here in the PH,” sabi naman ng isang Vicente Villahermosa Impel.

Isang Rafael Dino naman ang nagduda kung mga Pilipino ba ang may hawak ng baliktad na bandila.

Aniya, “The flag is placed in a wrong way. Are the guys holding the flag Filipinos?”

Imahe mula sa Facebook page ng ASEAN

Agad namang inalis ng ASEAN ang maling post at humingi ng paumanhin.

“We apologise for the mistake in the previous picture. Your kind feedbacks are highly appreciated,” ayon sa ASEAN.

Sa panibagong post ay wala na ang baliktad na bandila ng Pilipinas.