5 minutes na biyaheng Cubao-Makati sa EDSA, nagawa ng HPG

  • 5 minutes na biyaheng Cubao to Makati posible, sabi ng HPG
  • Sa isang simulation, nagawa ng HPG ang 5-minute travel time mula Guadalupe, Makati City hanggang Cubao
  • Simula July ay magpapakalat ng 50 motorcycle-riding HPG officers sa EDSA

Sa kabila ng mga agam-agam at pagdududa ng marami, sinabi ng Highway Patrol Group (HPG) na posible ang ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na maibaba sa 5 minutes ang travel time mula Cubao sa Quezon City hanggang Makati City sa kahabaan ng EDSA.

Sinabi ni HPG director Brigadier General Roberto Fajardo na maaaring magawa nila na mas maaga pa sa December deadline na sinabi ng Pangulo ang 5-minute travel time sa pagitan ng Cubao at Makati.

“We will enforce traffic laws. If masusunod ‘yun, I think masosolusyonan ‘yung order ng Presidente,” ani Brig. Gen. Fajardo. 

Imahe mula sa Journal

Sinabi pa ng HPG director na sa katunayan ay nagawa na nila ang limang minutong biyahe sa pagitan ng dalawang business districts, kaya nga lang ay “during off-peak hours.”

“Tinira namin ‘yun, madaling araw nga lang, 1:00 a.m., boundary of Guadalupe going to Cubao. Wala namang sinabi si Presidente kung saan nagmula,” pagsisiwalat ni Fajardo.

Sinabi niya sa nagsagawa sila ng simulation noong last weekend gamit ang isang private car na tumakbo “within the speed limit.”

Sa ngayon, ang HPG ay nagsasagawa ng regular na pakikipagpulong sa mga transport agencies ng pamahalaan kagaya ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Land Transportation Office at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Imahe mula sa Autocar

Sa mga nasabing pagpupulong ay napag-usapan ang mga plano na ipatutupad para masunod ang ipinangako ng Presidente bago matapos ang taon.

Kabilang sa mga gagawin ay ang mahigpit na pagpapatupad ng yellow bus lane at pagpapasara ng lahat ng bus terminals sa kahabaan ng EDSA.

“Lahat ng terminal along EDSA will be closed. Bahala na, basta walang terminal. Coordinated ‘yan with MMDA, LTFRB … lahat,” aniya.

Kasama rin sa plano ang paglipat ng motorcycle lane sa third lane sa halip na sa fast lane.

“Why? Para ‘yung fast lane talagang mabilis, hindi nag-aagawan, para ‘yung motorcycle hindi nakikipagpatintero sa mga mabilis na sasakyan,” paliwanag ni Fajardo.

Imahe mula sa PNA

Aniya, simula sa buwan ng Hulyo ay magpapakalat ng 50 HPG officers sakay ng BMW motorcycles na mahigpit na  magpapatupad ng traffic rules sa kahabaan ng EDSA.