24/7 construction work sa Sangley Point ipinag-utos ni Sec. Tugade

Inatasan ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Art Tugade ang contractor ng Sangley Point Airport na magdagdag ng mas marami pang construction workers at gawing 24/7 ang trabaho sa proyekto.

Ang order ay ginawa ng transportation secretary upang masunod ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa agarang paglipat sa Sangley Point ng mga domestic flights ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon sa ulat ng GMA, ipinabatid ng DOTr na kinuha ng pamahalaan ang serbisyo ng Unimaster Conglomerate, Inc. bilang contractor sa proyekto.

Imahe mula sa Facebook page ng DOTr

Ipinahayag ni Sec. Tugade na ang mas mabilis na construction work at karagdagang equipment para sa Sangley Point project ay sisimulan na sa Huwebes, ika-13 ng Hunyo.

“Whatever it takes, we need to make sure that the directive of the President is delivered. Hire more manpower to work 24/7. Kailangan matapos ‘yan on or before the timeline set by President Duterte,” ani Tugade.

Matatandang nag-utos ang Pangulo na ilipat ang mga domestic flights mula sa NAIA dahil sa nararanasang congestion sa paliparan. Nais niya na makapagsimula ng operasyon ang Sangley Point Airport sa buwan ng Nobyembre ngayong taon.

Imahe mula sa Facebook page ng DOTr

Bilang pagtalima sa utos ni Tugade na pabilisin ang konstuksyon sa Sangley, pinulong ni DOTr Assistant Secretary for Procurement and Project Implementation Giovanni Lopez ang mga miyembro ng “Task Force Sangley” nitong Miyerkules, ika-12 ng Hunyo.

Dumalo sa nasabing pulong ang mga kinatawan mula sa Civil Aviation Authority of the Philippines, Philippine Air Force, ferry system, at ang project contractor.

Binigyan ni Lopez ang project contractor ng dalawang buwan upang gumawa at tapusin ang daungan para sa ferry station na kanilang ininspeksiyon matapos ang pulong.

Nangako ang project contractor na magsusumite ng weekly progress report kasabay ng lingguhang site visit at inspection na gagawin ng DOTr para sa close monitoring sa progreso ng proyekto.