Sa halip na upuan, mga double beds ang gamit sa isang sinehan sa Switzerland

Sa panonood sa mga sinehan, bukod sa magandang pelikula, hanap din ng mga moviegoers ang comfort o ginhawa habang nanonood kaya naman naglalabasan ngayon ang ilang first-class luxury cinemas na may komportableng reclining seats.

Sa Switzerland, isang bagong konsepto ng sinehan ang ipinakilala noong nakaraang linggo kung saan sa halip na mga upuan ay double beds ang nakalagay para sa isang “cozy home-like movie experience.”

Noong May 9, 2019 ay binuksan ng Pathe Schweiz, isang cinema chain sa Switzerland, ang Cinema Pathe na ang pangako sa mga manonood ay isang “ultimate cinema comfort.”

Ang “VIP Room” nito ay may labing-isang double beds na may kasamang mga kumot at unan. Bibigyan din ng magagamit na “warm slippers” ang mga manononood habang nakahiga sa kama.

Imahe mula sa Pathe Schweiz

Bukod sa pagiging kumportable ay naroroon din ang pakiramdam ng pagiging elegante ng VIP Room dahil may bedside table kung saan maaaring ipatong ang inumin at snacks na kasama na sa presyo ng ticket na binayaran. Ang bawat kama ay may electronically adjustable headrests.

Ayon sa Insider, ang mga kumot at unan ay pinapalitan ng bago sa tuwing matatapos ang isang screening.

Sa isang panayam, sinabi ni Venanzio Di Bacco, CEO ng Pathé Switzerland na “The hygiene aspect is very important to us.”

Ang ticket sa VIP Room ay 49 francs ($48.60 o halos P2,550).

Ang mga manononood na ayaw gumamit ng kama dahil baka makatulog sila ay maaaring sa VIP Lounge manood kung saan two-seater o single sofa ang maaaring upuan. Ang presyo ng ticket dito ay 19.50 francs.

Imahe mula sa Pathe Schweiz

Bukod sa adult VIP Rooms, ang Cinema Pathe ay mayroon ding sinehan para sa mga bata kung saan bean bags ang mga upuan. May slide din doon at ball pit na puwedeng paglaruan ng mga bata habang nanonood ng pelikula.

Imahe mula sa Pathe Schweiz