PHL version ng NASA, aprubado na sa Senado

Matapos ang ikatlo at huling pagbasa ay inaprubahan na sa Senado ang panukalang-batas na may layuning itaguyod ang bersiyon ng National Aeronautics and Space Administration (NASA) sa Pilipinas.

Tatawagin ito sa pangalang Philippine Space Agency o PhilSa.

Inaasahan na mas mapalalawak ang space program at mas mapabubuti ang space technology ng bansa sa tulong ng PhilSA.

Imahe mula sa Senate of the Philippines | Facebook

Sa ilalim ng panukalang-batas, ang P1 bilyon na inisyal na pondo para dito ay magmumula sa fiscal year’s appropriation ng Office of the President.

Samantala, ang halagang kinakailangan para sa operasyon at maintenance ng PhilSA ay isasama sa General Appropriations Act.

May karagdagang pondo rin para dito na nagkakahalaga umano ng P10 bilyon na manggagaling sa gross income ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Bases Conversion and Development Authority (BCDA) sa loob ng limang taon.

Isa si Senador Bam Aquino sa mga sumulat ng Senate Bill No. 1983 o mas kilala bilang Act Establishing the Philippine Space Development and Utilization Policy and Creating the Philippine Space Agency na siya ring nag-sponsor para maisulong ito.

Iginiit niya na ang pagkakaroon ng programang pangkalawakan sa Pilipinas ay maaaring makatulong sa kaligtasan ng mga Pilipino sa oras ng kalamidad.

Image via NASA

“Satellites can improve disaster management from providing accurate information that allow early warnings and predicting of disasters to reliable and quick communication during relief and recovery operations,” sabi ni Aquino sa kaniyang sponsoship speech.

Ilan pa sa mga nabanggit niyang benepisyo ng PhilSA ay ang pagkakaroon ng malawak na produksiyon at malaking kita  ng agrubusinesses dahil sa patuloy na pag-aaral sa lupa at panahon.

Makatutulong rin umano ito na makonserba ang kapaligiran, maisaayos ang urban planning, transportasyon at linya ng komunikasyon sa bansa.

Source :

Senate, PNA