PHL robotics team, nagwagi ng dalawang major award sa 2019 First Lego League World Championship

Muling umangat ang galing ng mga kabataang Pinoy matapos  sungkitin ng Philippine Robotics National team ang dalawang major awards sa ginanap na 8th For Inspiration and Recognition of Science and Technology (FIRST) Lego League World Championship sa Texas, USA noong Abril 15-21.

Ayon sa Department of Science and Technology-Science Education institution (DOST-SEI), may dalawang grupo na bumubuo sa Philippine robotics team.

Imahe mula sa Science Education Institute – Department of Science and Technology | Facebook

Nagpamalas ang mga ito ng galing sa paglikha base sa kategoryang kanilang kinabibilangan.

Isa sa kanilang entries ay ang “Project Fuse” kung saan nkatanggap sila ng Champion’s Award Finalist.

Ito ay virtual reality game kung saan puwedeng magkaroon ng koneksiyon ang astronauts na nasa kalawakan sa kanilang pamilya sa Earth. Maaari silang gumamit ng live video chat na may kasamang physical interaction gamit ang isang robot.

Ginawa ang nasabing virtual reality game ng grupong DYCI Blue Ocean’s 10 mula sa Dr. Yanga’s College Inc. Binubuo ang team na ito ng mga miyembrong may edad 12 hanggang 17 taong gulang.

Imahe mula sa First LEGO League (FLL) Philippines | Facebook

Kabilang dito sina Jocas Arabella Cruz, Abigail Silva, Denise Carpio, Naiah Nicole Mendoza, Raingel Vryse Mendoza, Rodel Christian Alcantara, Ma. Anne Geline Doneth Dela Rama, Paul Jaren Perez, at Lara Monique Narciso. Sinamahan din sila ng kanilang assistant coach na si Lemuel Francisco at head coach na si Beryl Jhan Cruz.

Ang ikalawang grupo naman ay ang CYLLO na nagmula sa De La Salle Zobel.

Imahe mula sa Department of Education – Philippines | Facebook

Inuwi ng kanilang mga miyembro na may edad 6 hanggang 12 taong gulang ang Explore and Discover Award matapos nilang gumawa ng robot na kayang panatilihin ang buhay ng cynabacteria sa pagnanais na masolusyunan ang problema sa kakulangan ng pagkain at oxygen sa outer space.

Kasama na bumuo nito sina Zoie Francesca Aldave, Chito Salunga Roxas, Jr., Franc Andre Dimatatac, Eduardo Matteo Valdez, Emmanuel Jace Savellano, at Robert Philip Lim. Sinamahan rin sila nila Head Coach Heinz Elorde at Assistant Coach Genevieve Pillar sa pagkamit ng tropeyo.

Nagpasalamat naman si DOST-SEI Director Dr. Josette Biyo sa mga kalahok. Nagpahayag rin ito ng patuloy na pagsuporta ng DOST-SEI sa lahat ng kabataan na nais sumali sa susunod na robotics competition.

Source :

Facebook, GMA