Philippine envoys sa Canada pinauuwi ng DFA dahil sa delay sa shipment ng mga basura

Pinauuwi ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang ambassador at consuls ng Pilipinas sa Canada matapos mabigo ang Canadian government na kunin sa itinakdang deadline ang basura nila na ilang taon nang nakatambak sa bansa.

Sa mensahe niya sa Twitter, sinabi ni DFA Secretary Teddy Locsin, Jr. na nagpadala na ng liham ang kaniyang ahensya na nag-aatas na bumalik na sa bansa ang Philippine ambassador at consuls sa Canada.

Ito ay matapos mabatid na hindi nasunod ng Canada ang May 15 deadline na itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte upang ibalik sa kanilang bansa ang tone-toneladang basurang ipinadala rito ilang taon na ang nakalilipas.

“At midnight last night, letters for the recall of our ambassador and consuls to Canada went out. They are expected here in a day or so. Canada missed the May 15 deadline. And we shall maintain a diminished diplomatic presence in Canada until its garbage is ship bound there,” tweet ni Sec. Locsin.

“They are expected to be here in a day or so,” dagdag pa ng Kalihim.

Isiniwalat pa ni Sec. Locsin na ang desisyon na bawasan ang diplomatic presence ng Pilipinas sa Canada ay dahil hindi sumipot ang kinatawan ng Canadian government sa meeting nito sa Bureau of Customs.

Imahe mula sa EcoWaste Coalition

“That the government may consider a 2 to 3 week delay DOES NOT EXTEND THE DEADLINE. Our diplomatic presence in Canada shall be de minimis. At the Japanese enthronement ceremony, DOF informed me that Canada did not show up at a meeting with Customs and that was the trigger,” ani Sec. Locsin sa Twitter post niya.

Matatandaang mahigit isandaang container vans na naglalaman ng sari-saring basura mula sa Canada ang nakapasok sa bansa simula noong 2013 hanggang 2014.