Lalaki tinayaan sa lotto ang mga numerong napanaginipan, tumama ng $1 million

Literal na isang dream come true ang pagkakapanalo ng isang Australian man sa loterya noong nakaraang linggo.

Ayon sa press release ng The Lott, ang official lottery ng Australia, sinabi umano ng hindi pinangalanang lalaki na tinayaan niya ang mga numerong napanaginipan niya labintatlong taon na ang nakalilipas.

“The thrilled winner explained he had marked his entry using the numbers that appeared to him in a dream 13 years ago,” ayon sa The Lott.

Nanalo ng one million Australian dollars (o katumbas ng US$665,000) ang nasa edad kuwarentang lalaki mula sa East Davenport.

Sinabi ng masuwerteng lalaki na tumaya siya sa East Davenpost Newsagency, 71 Wright Street, WEast Davenport para sa draw ng lotto noong May 8, 2019.

Kuwento niya, simula noong napanaginipan niya ang mga numero mahigit isang dekaada na ang nakararaan ay lagi na niya iyong tinatayaan. Aniya, talagang umaasa siya na baling-araw ay lalabas din ang mga numero sa panaginip niya.

Imahe mula sa The Lott

“I checked my ticket online and discovered the news. I thought one day I would see them all there. I haven’t given up on them!” sabi niya.

Ilang beses na rin daw siyang nanalo gamit ang mga nasabing numero noong mga nakalipas na taon, subalit ito raw ang pinakamalaking premyo na napanalunan niya. Masuwerte raw ang mga numero kaya wala siyang balak na tumigil sa pagtaya sa mga iyon.

“They’re certainly my lucky numbers so I’ll keep on playing them,” aniya.

Sa ngayon ay hindi pa alam ng lalaki kung ano ang gagawin sa premyo kaya patuloy pa rin siyang pumapasok sa trabaho niya.