Ikaw na! Anne may double nominations sa Gawad Urian

Ilang araw matapos maging unang babaeng tumanggap ng “FPJ Memorial Award” sa Filipino Academy of Movie Arts and Science (FAMAS) Awards, nakakuha naman ng double nominations sa Gawad Urian ang aktres na si Anne Curtis.

Ayon sa PEP, nominado sa pagka-Best Actress si Anne dahil sa mahusay na pagganap niya sa dalawang 2018 films; ang Sid and Aya at BuyBust.

Sobrang saya raw ng aktres sapagkat ngayon lamang siya nagkaroon ng nominasyon sa prestihiyosong Gawad Urian.

Isa rin daw karangalan para sa kanya na maikumpara sa 2016 Cannes Best Actress na si Jaclyn Jose. Sa kasaysayan kasi ng Gawad Urian, sila lamang ni Jaclyn ang nagkaroon ng double nominations para sa nasabing kategorya.

Sid and Aya

Pinagbibidahan nila ng aktor na si Dingdong Dantes, ang “Sid and Aya” ay tungkol sa isang successful stockbroker (si Sid, na ginampanan ni Dingdong) na nagkaroon ng insomnia.

Upang magkaroon ng kasama at kausap sa mga gabing hindi siya makatulog, binigyan niya ng kakaibang trabaho ang isang hardworking na babae (si Aya, na ginampanan ni Anne).

Dito nagsimula ang isang magandang samahan.

BuyBust

Samantala, sa pelikulang “BuyBust” naman naging action star sa unang pagkakataon si Anne.

Si Anne ay isang agent ng PDEA na naging bahagi ng team na nang-raid sa isang drug den.

21 years sa showbiz

Noong 2018 ay ipinagdiwang ni Anne ang 21st anniversary niya bilang isang aktres. Nagpasalamat siya sa kanyang mga tagahanga at sa mga taong gumabay sa kanya sa karera niya.

Kamakailan din ay umabot na sa 11 million ang followers niya sa Instagram.

Hindi naman nakalilimutan ng aktres na ibahagi sa iba ang mga biyayang natatanggap niya. Aktibo siya sa pagkakawanggawa at pagtulong sa kanyang kapwa.