Arabong amo kapamilya ang turing sa mga kasambahay na OFW

Pangkaraniwan na ang mga napapaulat na mga overseas Filipino workers (OFW) na nakaranas ng hindi maganda sa kanilang mga employer, partikular na ang mga among Arabo.

Halos hindi na mabilang ang kaso ng mga Pinay overseas workers na nakipagsapalaran sa Middle East at iba pang bansa para lang maabot ang pangarap na makapagbigay ng magandang kinabukasan para sa pamilyang iniwan sa Pilipinas ngunit umuwing luhaan dahil sa mga abusadong amo.

Kaya naman labis na ikinatutuwa ng mga kababayan natin ang mga balita na maayos ang pakikitungo ng mga banyagang amo sa kanilang mga kasambahay na Pinay tulad na lang ng ng ibinahagi ng Facebook page na “I Love Natividad.”

Screenshot mula sa video ng I Love Natividad

Isang video ang ibinahagi ng I Love Natividad kung saan makikita ang magandang pagtrato ng isang Arabong amo sa mga Pilipinang kasambahay.

Makikita sa video na parang kapamilya ang turing ng Arab employer sa mga OFW na kasabay niya at ng iba pang kaibigan na kumakain sa hapag kainan.

“Bibihira makatagpo ng ganitong kabait na among arabo na ituring kang tunay na kapamilya lalo na sa hapagkainan… Allah bless you Baba,” ang caption sa Facebook post.

Screenshot mula sa video ng I Love Natividad

Bakas sa masasayang mukha ng mga Pinay ang kapanatagan ng kanilang kalooban na makihalubilo sa kanilang amo na maririnig na nagbibiro pa sa kanilang umpukan.

Ang mga masasayang tagpo na ipinakita sa viral video na mayroon nang mahigit dalawampung libong views ay nagpapatunay na hindi naman lahat ng mga employer sa Middle East ay may pangit na pag-uugali.

Ang employer na katulad ng nasa video ang nagbibigay ng pag-asa sa ibang mga Pilipino na nais makipagsapalaran sa ibang bansa na sana ay makatagpo rin sila ng mabait na amo.