Tatlong Ding? TNT Boys gustong mag-audition sa Darna movie bilang Ding

Kilala sa husay sa pag-awit ang TNT Boys na ilang beses nang naimbitahan sa ibang bansa para mag-perform, pero bukod sa pag-awit ay gusto rin pala ng singing trio na sumabak sa acting sa big screen.

Sa panayam ng ABS-CBN sa TNT Boys na kinabibilangan ni Keifer Sanchez, Mackie Impuerto at Francis Concepcion, sinabi ng tatlo na gusto nilang mag-audition sa Darna movie bilang Ding, ang kapatid ni Narda na alter ego ni Darna.

Dahil iisa lang naman si Ding na kapatid ni Narda, nag-suggest si Mackie na puwedeng maging tatlo ang “Ding” na magkakaibigan.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

“Puwede pong maging tatlo ang ‘Ding’ na magkakaibigan,” ani Mackie.

Aniya, siya raw si Ding, si Kiefer ay si “Dong” at si Francis naman ay si “Dang.”

Sa harap ng camera ay pabiro pang nanawagan si Kiefer sa director ng Darna movie na si Jerrold Tarog.

“Direk, pasali naman po kami sa Darna,” aniya.

Sa ngayon ay wala pang kasiguraduhan kung matutuloy ba ang audition ng TNT Boys dahil  naantala ang paggawa ng Darna movie matapos mag-back out ni Liza Soberano, ang aktres na gaganap sana bilang ang iconic Pinay superhero, dahil sa isang injury.

At habang naghihintay kung kailan matutuloy ang pelikula ay abala ang TNT Boys sa pag-eensayo para sa nalalapit nilang international concert na gaganapin sa North America ngayong buwan ng Abril.

“TNT Boys Listen: The World Tour” ang title ng concert ng tatlo kung saan makakasama nila bilang special guests ang ilang Filipino-American artists kasama na ang child prodigy na si Angelica Hale na nakilala sa “America’s Got Talent.”

Source :

ABS-CBN, MSN, Facebook