Pinoy Dota 2 players, panlaban ng Southeast Asia sa gaming tournament na gaganapin sa England

Magsisimula pa lamang ang tunay na laban para sa limang Pinoy na manlalaro ng Dota 2 at miyembro ng professional gaming team na TNC Predator.

Opisyal nang idineklara ang grupo bilang kinatawan ng Southeast Asia sa darating na ESL One Burmingham tournament na gaganapin sa England.

Photo via TNC Pro Team – Dota2 | Facebook

Ito ay matapos nilang matalo ang isa pang matibay na grupo sa regional finals, ang Mineski, sa puntos na 3-0 noong ika-12 ng Abril.

Matatandaan na sa unang laban pa lamang ng TNC kontra Mineski ay nagpakita na agad ito ng galing at teamwork sa pamamagitan ng pagbawas ng isang miyembro ng Mineski ilang segundo matapos magsimula ang laro.

Tila gayundin ang naging galawan ng grupong TNC sa ikalawa at ikatlong laban na siya namang nagpanalo sa kanila sa best-of-five game ng regional finals.

Ang mga Dota players na bumubuo sa TNC predator ay sina Carlo Palad aka “Kuku,” Timothy Randrup aka “TIMS,”  Armel Paul Tabios aka “Armel,” Kim Villafuerte Santos aka “Gabbi,” at Nico Barcelon aka “Eyyou.”

Photo via TNC Pro Team – Dota2 | Facebook

Sila ang haharap sa iba pang mahuhusay na manlalaro sa buong mundo sa gaganaping laban sa United Kingdom sa ika-12 ng Hunyo.

Ang ESL One Burmingham tournament ay binubuo ng labing-dalawang grupo ng mga propesyunal na manlalaro ng Dota 2 kung saan walo rito ay direktang iimbetahan at ang apat na teams ay magmumula sa Southeast Asia, China, North America, at Europe.

Sa kasalukuyan, ang mga grupong direktang pasok sa listahan ay ang TeamLiquid, Evil Geniuses, Team Secret, PSG.LGD, OG, ViCi Gaming, Virtus.pro, at NiP.

Sa reqional qualifiers, nabibilang ang TNC para sa Southeast Asia at Keen Gaming para sa China habang naghihintay ng mga kampiyon na kakatawan sa Europe at North America.

Sila ay maaaring mag-uwi ng bahagi mula sa prize pool na $300,000.

Source :

ABS CBN, Gosu