Jimuel Pacquiao, binansagang “Pacboy” matapos maka-score ng K.O. sa amateur fight

Like father, like son.

May pinagmanahan, ‘ika nga, itong si Emmanuel Pacquiao, Jr. na mas kilala sa palayaw na Jimuel; ang panganay na anak ni Pambansang Kamao Manny “Pacman” Pacquiao.

Sa kanyang kauna-unahang amateur boxing fight ay agad naipakita ni Jimuel ang sariling husay sa boxing matapos niyang umiskor ng knock out (K.O.) laban kay Michael Egan.

Ayon sa ulat ng Manila Times, napatumba niya ang katunggali sa 2nd round ng kanilang laban matapos niyang magpakawala ng malakas na kombinasyon – isang left hook at isang solid right straight sa mukha ni Egan.

Screenshot mula sa video ni Dyan Castillejo

Ang boxing match, na isang charity event, ay ginanap nitong Sabado, ika-13 ng Abril sa Amoranto Sports Complex sa Quezon City.

Nasa General Santos City ang mga magulang ni Jimuel noong oras ng laban kaya hindi nila personal na nasaksihan ang panalo ng anak. Mga malalapit na kaibigan ni Jimuel ang sumama sa kanya sa event.

Una nang sumabak sa boksing si Jimuel noong Pebrero kung saan nakalaban niya ang classmate niyang si Lucas Carson sa isang exhibition fight.

Napabagsak rin ng nakababatang Pacquiao ang kalaban, pero nakapuntos din si Carson kaya tabla ang resulta ng laban nila.

Screenshot mula sa video ni Mav Gonzales

Kamakailan lang ay kumalat sa social media ang video ng mag-amang Pacquiao kung saan makikitang iniensayo ni Pacman ang anak at tinuturuan ng footwork, depensa at kombinasyon ng mga suntok.

Noong una ay tutol sila ng asawang si Jinkee sa kagustuhan ni Jimuel na tahakin ang landas ng boxing, subalit sa bandang huli ay ibinigay din nila ang kanilang basbas dahil sa ipinakitang determinasyon ng anak.

Natuwa naman ang mga netizens sa knock out win ni Jimuel.

Sabi ng iba ay tila kinopya ni Jimuel ang boxing moves ng ama kaya binansagan nila ang nakababatang Pacquiao na “P9cboy.”