Foreigner hinabol ang isang van para ibalik ang basura na itinapon ng pasahero nito

Isang dayuhan na nagbibisikleta ang humabol sa isang van na bumabaybay sa Makati-Mandaluyong Bridge para ibalik ang isang plastic na basura na itinapon ng pasahero ng nasabing van.

Ang pangyayari ay na-video-han mismo ng foreigner na nakilalang si Frank Schuengel at ibinahagi iyon sa Facebook account niya.

Sa naturang video ay ipinakita ni Mr. Schuengel ang pinulot niyang isang plastic na ang laman ay sari-saring basura na nakita niyang itinapon mula sa isang kulay silver na van.

Agad naman niyang naabutan ang sasakyan dahil may kabagalan ang daloy ng trapiko sa lugar.

Imahe mula kay Frank Schuengel

Kinatok ni Mr. Schuengel ang unahang bintana ng van para ibalik ang basurang itinapon. Kinuha naman ng nakasakay sa van ang plastic ng basura matapos siyang pagsabihan ng German national na hindi basurahan ang kalsada.

“This is not a bin. Don’t throw that out. Don’t do it,” maririnig na sabi ng dayuhan sa pasahero ng van.

Sa panayam sa kanya, sinabi ni Mr. Schuengel na hindi siya natatakot sa mga taong nagtatapon ng basura. Sila (ang mga taong nagtatapon kung saan-saan) raw ang dapat matakot sa mga magbabalik sa kanila ng itinapong basura.

Imahe mula kay Frank Schuengel

“We all should look after the world we live in. So, I’m not afraid of the people who throw their rubbish out. They should be afraid of everyone else giving it back to them. That’s how it works,” aniya.

Ang tagapagsalita ng Metropolitan Manila Development Authority na si Celine Pialago ay nagbigay ng kanyang pahayag tungkol sa insidente.

Aniya, nakakahiya na isang dayuhan pa ang nagpamukha sa atin na mali ang pagtatapon sa kung saan-saan na lang.

Sabi pa ni Pialago, nakalulungkot ang pangyayari dahil ang mga Pilipino, higit sa lahat,  ang dapat  magpakita ng pagpapahalaga sa kalinisan ng bayan.