DPWH nagdagdag ng equipment para pabilisin ang paglilinis ng Manila Bay sa kahabaan ng Roxas Blvd.

Target ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na matapos ang paglilinis ng Manila Bay sa bahagi ng Roxas Boulevard sa buwan ng Hulyo kaya nagdagdag ang ahensya ng dalawang heavy equipment na magpapabilis ng cleanup sa lugar.

Ayon sa DPWH, dalawang multi-purpose amphibious dredge Watermaster Classic 5 ang idinagdag sa mga nauna nang equipment na ginagamit sa dredging at desilting ng Manila sa Bay sa kahabaan ng Roxas Boulevard simula sa US Embassy hanggang sa Manila Yatch Club.

Sinabi ni DPWH Undersecretary for Technical Services and Unified Project Management Office Operations na si Emil Sadain na ang mga Watermaster Classic 5 dredger na mayroong heavy duty dredging capacity ay gagamiting pangtanggal ng mga debris, plastics, at solid wastes na naipon sa Manila Bay.

Imahe mula sa DPWH

Sabi ni Sadain, nababanaag na ang mga improvements na resulta ng mga ginagawang paglilinis ng DPWH sa Manila Bay pero hindi magre-relax ang ahensya, bagkus ay lalo pang pinalakas ang mga equipment na ginagamit sa paglilinis.

“Improvements as a result of DPWH activities can now be seen but we will not relax and instead we beefed up our operating fleets,” aniya.

Ang DPWH ay gumagamit ng 28 na equipment kabilang ang amphibious excavators, dumping scows at debris segregators, para sa clean-up activities. Mayroon ding 11 dump trucks ang ahensya na ginagamit na panghakot sa mga nahuhukay na basura mula sa dagat.

Imahe mula sa DPWH

Simula nang mag-umpisa ang dredging at desilting sa bahaging iyon ng Manila Bay, umabot na sa 18,000 cubic meters ang naalis na burak , putik at basura. Patuloy ring minomonitor ng DPWH ang kalidad ng tubig sa Manila Bay.