China, iginigiit na bahagi ng teritoryo nila ang Spratly Islands

Iginiit ng China na sakop ng kanilang teritoryo ang Spratly Islands matapos batikusin ng Malacañang ang presensya ng maraming Chinese boats sa paligid ng Pag-asa Island sa West Philippine Sea.

Sa isang pahayag, sinabi ni Chinese Foreign Minister Lu Kang na ang Spratlys, na tinatawag nilang Nansha Islands, ay sakop ng kanilang teritoryo at may sapat umano silang historical at legal na basehan.

“Nansha Islands are within China’s territory, for which we have sufficient historical and legal basis,” ani Lu Kang.

Imahe mula sa Hong Kong Free Press

Dagdag pa niya, “For thousands of years, Chinese fishermen have been fishing in these waters in the South China Sea. Their rights should not be challenged.”

Nang kunan ng pahayag si Lu Kang hinggil sa pambabatikos ng Malacañang, binigyang-diin niya na nais ng China na maresolba ang anumang gusot sa South China Sea sa pamamagitan ng mga negosasyon.

Aniya, umaasa ang China sa kooperasyon ng Pilipinas.

“We hope that the Philippine side can join us in properly managing the South China Sea issue, upholding peace and tranquility on the sea, and bringing more benefits to the two peoples,” anang Chinese Foreign Minister.

Sinabi pa ni Lu Kang na “generally stable” naman ang kasalukuyang situwasyon sa pinag-aagawang teritoryo.

Samantala, ayon sa ulat ng Inquirer, hindi umano nagustuhan ng Malacañang ang pahayag ni Lu Kang na pag-aari ng China ang Spratly Islands.

Matapang na ipinahayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na ang Spratly Islands ay pag-aari ng Pilipinas.

Ipinaalala ni Panelo ang desisyon ng arbitral tribunal sa The Hague noong Hulyo ng 2016 na nagsasabing ilang bahagi ng South China Sea na inaangkin ng China ay sakop ng exclusive economic zone ng Pilipinas.