Buong mall inupahan ng super rich guy para makapag-shopping sakay ng kotse

Isang napakayamang lalaki sa Saudi Arabia ang nag-shopping sa loob ng isang mall doon gamit ang kanyang kotse.

Nagawa ng super rich guy na malayang makapaglibot sa shopping center gamit ang sariling sasakyan dahil inupahan niya ang buong mall.

Ayon sa ulat ng Khaleej Times, ang pagsa-shopping ng mayamang lalaki sa Al Qasr Mall sa Riyadh ay kinunan ng video ng isang mall security guard.

Makikita sa kuha ng video na ipinarada ang magarang kotse sa harap ng isang tindahan at bumaba ang isang babae at lalaki para mag-shopping.

Screenshot ng video mula sa Twitter

Habang kinukuhanan ng video ay maririnig ang tinig ng security guard na nagsasabing inupahan nga ang buong mall.

Aniya, sana raw ay mabiyayaan din siya ng yaman na tulad ng sa lalaking umarkila ng shopping center.

“I am a security guard at Al Qasr Mall and they’re saying that someone rented out the whole place. Look, he’s even cruising here in his car. Looks like he’s super rich. May God grant us the same,” sabi ng security guard gamit ang wikang Arabyano.

Sari-saring reaksyon mula sa mga Twitter users ang nakuha ng video. May ilang nagsabi na maaaring isang TV stunt lang iyon para sa Ramadan show.

“This is part of a Ramadan show getting filmed,” tweet ng isang netizen.

“This is part of a film shoot, it isn’t real. Maybe they’re shooting a TV commercial for the mall?” sabi naman ng isa pa.

May mga naniniwala naman na totoong inarkila ng mayamang lalaki ang buong mall. Posible raw na nag-shopping ang lalaki matapos magsara ng mall.