Araneta Center, Cubao kinilala bilang isang tourism district

Sa ilalim ng Ordinance 2796-2018 na inaprubahan ni Mayor Herbert Bautista kamakailan lamang, ang Araneta Center sa Cubao ay isa na sa mga tourism district ng Quezon City ngayon.

Sa loob ng anim na dekada, kapansin-pansin ang pagbabago sa Araneta Center na talaga namang sumasabay sa modernong panahon.

Kaliwa’t kanan ang mga mall at shopping centers gaya ng Farmers’ Market, Gateway Mall, SM Cubao, Ali Mall, at Shopwise Araneta. Nariyan ang Smart Araneta Coliseum at Kia Theater na mga dekalidad na establisyementong pinagdadausan ng mahahalagang kaganapan.

Dinadayo naman ng mga ekskursiyonista ang mga natatanging pasyalan at lugar kung saan maaaring maglibang gaya ng Sining Saysay: Philippine History in Art, Art in Island, at Cubao Expo.

Isa rin sa mga inirerekomendang hotel lalo na sa mga malalaking panauhin ay ang Novotel Manila.

Imahe mula sa Wikimedia Commons

“Cubao also introduced the central bus station concept in the country with buses that reach as far south as Davao,” ayon kay chairperson Kate Abigael Coseteng ng Councilor and Committee on Culture and Heritage na siya ring naghain ng naturang ordinansa.

Unti-unting nagsilbing sentro ng Metro Manila ang Cubao kung saan halos lahat ng sakayan papunta sa iba’t ibang sulok ng Luzon ay dito matatagpuan.

Imahe mula sa Wikimedia Commons

Batid ng Quezon City Hall Office na isang magandang oportunidad ang pagkilala sa Araneta Center bilang bagong tourism district. Ilan sa mga nakikitang paraan upang patuloy na mahikayat ang ibang Pinoy at maging ang mga dayuhan na pasyalan ang lugar ay ang pagkakaroon pa ng mga nakatutuwa at kaabang-abang na mga aktibidad.

Kabilang dito ang mga concert, sporting events, food at book fairs, art competitions, cultural shows, at media launches.

Imahe mula sa Wikimedia Commons

Ang Quezon City Tourism Department ay makikipagtulungan sa mga isasagawang promosyon at pagkalat ng mga impormasyon sa mga magaganap na mga aktibidad sa lugar.

Magkakaroon din ng mga educational tours para sa mga iimbitahang bisita. Samantala, ang Araneta Center, Inc. naman ang mamamahala sa paglalagay ng Visitor Information Center at pagtatayo ng mga souvenir shops.