Anak ni John Lennon na si Julian, bumisita sa Pilipinas

Nasa bansa ngayon si Julian Lennon, ang anak ng legendary Beatles member na si John Lennon sa unang asawang si Cynthia.

Ayon sa ABS-CBN, dumating sa bansa si Julian noong Biyernes, ika-29 ng Marso, at agad na sumabak sa pamamasyal sa paligid at sa loob ng Intramuros.

Sa pamamagitan ng mga kuhang larawan na ibinahagi niya sa Instagram ay idinokumento niya ang pamamasyal niya sa makasaysayang “walled city.”

Imahe mula sa Instagram account ni Julian Lennon

Kasama ni Julian sa pamamasyal sa bansa si Nick Wood na isa ring musikero tulad niya. Sa video ni Nick ay makikita si Julian na nagbibisikleta sa paligid ng Intramuros gamit ang isang “bamboo bike.”

Screenshot sa video ni Nick Wood

Kinunan din ni Julian ng litrato ang pamosong Manila Sunset at ginamit pa ang slogan ng Department of Tourism (DOT) na “It’s More Fun in the Philippines” bilang caption.

Sa isang larawan, makikita si DOT Secretary Bernadette Romulo-Puyat na kasama niya.

Sa isa pang litrato ay ang TV host na si Christine Jacob-Sandejas naman ang kasama ni Julian.

Kinunan din niya ng litrato ang mga lugar na kinainan niya tulad ng engrandeng Shangri-La sa The Fort.

Imahe mula sa Instagram account ni Julian Lennon

Base sa dami ng comments ng mga netizens, ang pinakapabotiro nilang litrato na kuha ni Julian ay ang larawan ng isang lemonade store na ang pangalan ay katunog ng pangalan ng kanyang ama – John Lemon Juice Bar.

Tinag pa ni Julian sa John Lemon picture ang half-brother niyang si Sean Lennon at ina nitong si Yoko Ono. Pabiro pang nag-comment si Sean ng “So that’s where we’re from.”

Imahe mula sa Instagram account ni Julian Lennon

Hindi lang pamamasyal ang pakay niya sa pagbisita sa bansa. Narito si Julian upang ibahagi ang ginagawa niya sa The White Feather Foundation; ang foundation na itinatag niya na nakatuon sa mga humanitarian at environmental issues.

Bukod sa pagiging musikero, pilantropo at photographer, si Julian ay isa ring book author. Siya ang co-author ng librong “Heal the Planet; isang picture book na nagtuturo sa mga kabataan ng mga pamamaraan kung paano matutulungan ang ating planeta.