250 students binigyan ng summer jobs ng MMDA, sahod P16,110 sa 30 days na trabaho

Two hundred fifty students mula sa  iba’t ibang paaralan sa Metro Manila at karatig-bayan ang binigyan ng summer jobs ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa ilalim ng kanilang Special Program for the Employment of Students o SPES.

Batay sa ulat ng Manila Bulletin, ang mga “interns” ay makatatanggap ng P16,110 kapag nakumpleto ang kinakailangang 30 days of work. Ang 60 porsyento ng sahod ay babayaran ng MMDA at ang natitirang 40 porsyento ay manggagaling sa Department of Labor and Employment.

Ang mga estudyante ay magta-trabaho bilang administration clerks, computer operators, research assistants, records aides, messengers, engineering aides, data encoders at statistician aides.

Imahe mula sa MMDA

Sa isinagawang orientation noong April 15, sinabi ni MMDA Deputy Chairman Frisco San Juan Jr. na dapat samantalahin ng mga estudyante ang magandang oportunidad na ibinigay sa kanila ng ahensiya.

 Pinayuhan rin niya ang mga ito na maging produktibo at huwag aksayahin ang oras sa mga libangang hindi nakatutulong sa self-improvement nila.

“Do not waste much of your time on leisure that does not contribute to self-improvement. Take this opportunity to be productive while you are young and discover where you can excel,” ani San Juan, Jr.

Imahe mula sa MMDA

Nagpaabot naman ng pasasalamat sa MMDA si Andrea Cabansag, Director II, DOLE Pasay/Makati Field Office, dahil ipinagpatuloy nito ang taunang summer program na nag-eengganyo sa mga estudyante na gawing kapakipakinabang ang kanilang summer vacation.

Aniya, habang nagtatrabaho ay matututunan ng mga estudyante ang mandato ng MMDA gaya ng traffic management, solid waste management, urban planning, health, public safety, environmental protection and flood control management, at public safety.

Ang SPES ay joint project ng MMDA at DOLE. Nasa ikawalong taon na ito ngayon.