Walang grupo na nangunguha ng mga bata sa Maynila – NCRPO chief

Sunud-sunod ang mga napabalita sa social media at pahayagan tungkol sa mga sindikato na nandudukot ng mga bata sa iba’t ibang panig ng Maynila.

Katunayan ay may ilan nang “kidnappers” ang nahuli ng mga pulis kabilang na ang isang nagngangalang Beth na umamin na kasapi siya sa isang grupo na nangunguha ng mga bata na ibinebenta umano nila sa mga pedophile.

Ngunit makalipas lang ang ilang linggo ay nagbago na ng pahayag si alyas Beth at sinabing hindi siya nandudukot ng mga bata.

Isang  alyas “Ces” naman ang nahuli rin sa tangkang pagdukot sa bata nito lang nakaraang linggo.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

Dahil sa pabago-bagong statement ng dalawang suspek ay isasalang sila sa psychiatric evaluation.

Nilinaw naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Police Major General Guillermo Eleazar na walang grupo na nangingidnap ng mga bata sa Maynila; taliwas umano sa mga balitang kumakalat sa social media.

Sa ulat ng ABS-CBN, sa isang press briefing ay sinabi ni Eleazar na hindi totoo ang kumakalat na mga balita hinggil sa pagdukot sa mga bata.

Imahe————————————————————————————————— mula sa video ng ABS-CBN

“In the absence of any actual evidence na mayroong nawalang bata at sinasabi ko nga itong mga bata hindi katulad ng mga bag at cellphone na ‘pag nawala ay hindi mo ire-report,” anang police official.

“Walang katotohanan na may nangunguha ng mga bata,” giit pa niya.

Nanawagan si Eleazar sa mga magulang na huwag maalarma sa mga kumakalat na balita.

“Tayo’y  nananawagan sa ating mga magulang na huwag po kayong mag-panic o maalarma sa mga nangyaring ito,” aniya.

Dagdag pa niyang panawagan, sana raw ay huwag nang magpakalat ng mga ganitong balita na nagdudulot lang ng takot.