Thailand naghahanap ng mga Pinoy English teachers

Nangangailangan ng paunang 200 English teachers ang Thailand para sa proyekto ng kanilang pamahalaan na tinatawag na “English for All” na naglalayong pataasin ang English competencies ng kanilang mga kabataang mag-aaral.  

Ayon sa ulat ng ABS-CBN, ang Department of Education (DepEd) ay nakipagpulong sa Ministry of Education ng Thailand noong ika-12 ng Marso.

Ito’y ginanap sa Philippine International Convention Centre sa Maynila kung saan napag-usapan ang planong government-to-government hiring ng mga Filipino English teachers.

Sa pahayag ni Margarita Consolacion Ballesteros ng International Cooperation Office ng DepEd, nakita raw ng Thailand na ang mga gurong Pilipino ay masigasig, marunong magturo at matalino.

Imahe mula sa Facebook page ng DepEd

Bukod dito, nagustuhan din umano ng Thailand kung paano magsalita ng English ang mga Pilipino.

“Your teachers are very diligent and blend in well with our culture. We want to recruit Filipino teachers to be placed in the Eastern Economic Corridor (EEC) government schools, which are the three provinces in the eastern side of Bangkok to upgrade the English competencies of the children in that area,” wika ni Secretary to the Minister of Education of Thailand M.L. Pariyada Diskul.

Nagpahayag din si Diskul na umaasa sila na ito ay simula pa lamang ng marami pang proyektong susunod.

Sa kasalukuyan ay nasa 13,000 hanggang 14,000 na mga Pilipino ang nagtuturo ng wikang Ingles sa Thailand, subalit karamihan sa kanila ay hindi mga guro. Karamihan sa kanila ay nagtungo sa Thailand bilang turista.

Imahe mula sa DepEd

“Ang mga Filipino na nagtuturo doon ng Ingles ay hindi lahat guro. Puwedeng inhinyero pero nagtuturo siya ng Ingles sa kanilang government schools,” sabi pa ni Ballesteros.

Sa naganap na pagpupulong sa pagitan ng DepEd at Ministry of Education ng Thailand, mas mabibigyan umano ng proteksiyon ang mga Pilipinong guro na papalaring matanggap sa ilalim ng kanilang English for All program dahil government-to-government hiring ito.

Ang Department of Labor and Employment at ang Philippine Overseas Employment Administration ay maglalatag na ng mga patakarang dapat sundin para sa mga Pilipinong guro na nagnanais magturo ng English sa Thailand.

Source :

ABS-CBN, MSN, DepEd