Raffy Tulfo nawala ang respeto sa kuyang si Mon dahil sa komentong tamad ang Pinoy workers

Naging kontrobersyal ang Philippines’ special envoy to China na si Ramon Tulfo dahil sa komento niyang tamad at makupad magtrabaho ang mga Pilipinong construction workers kumpara sa mga Chinese construction workers na narito sa bansa.

Marami ang nanawagan, kabilang na ang malaking grupo ng mga manggagawa – ang Trade Union Congress of the Philippines – na magbitiw siya sa kanyang tungkulin dahil sa komento niya. Ilan din ang nagsabi na dapat siyang mag-sorry sa mga manggagawang Pilipino subalit pinanindigan ni Tulfo ang kanyang sinabi.

Imahe mula sa RwProd/CC BY-SA 4.0

Maging ang nakababata niyang kapatid na si Raffy Tulfo, na kilala sa bansag na “Idol Raffy” dahil sa ginagawang pagtulong sa mga taong naaapi, ay napilitan na ring magkomento laban sa nakatatandang Tulfo.

Isang mensahe ang ipinarating ni Idol Raffy sa kanyang Kuya Mon hinggil sa isyu. Sinabi niya na nawala ang respeto niya sa kanyang kuya dahil sa komento nito laban sa mga Pilipinong construction workers.

Ipinaalala pa ni Raffy sa kuya na ang apelyidong Tulfo ay nakilala sa pagtulong sa mga maliliit at inaaping mga tao. Katunayan daw, sumunod lang silang mga nakababatang kapatid sa mga yapak ni Mon Tulfo na naging takbuhan ng mga taong naaapi.

Imahe mula sa Twitter account ni Mon Tulfo

Tumawag si Idol Raffy sa programang Wanted sa Radyo upang iparating ang mensahe sa kanyang kuya Mon. Narito ang mensahe niya:

“If my brother Mon Tulfo is listening, kuya Boy (Mon) I respect you as my brother pero this time around nawala ang respeto ko sa ‘yo. I’m sorry to say this, maling-mali ka kuya Mon. We followed in your footsteps, ikaw ang nag-umpisa dito sa ginagawa namin ngayon na kung saan kami ang naging sumbungan … tayo. Erwin, Ben and I naging sumbungan ng mga inaapi… ng mga maliliit nating kababayan. Natuto kaming gawin ‘yan from you and now bakit nag-iba ang pananaw mo.”

Ang kabuuan ng mensahe ni Idol Raffy ay mapakikinggan sa verified YouTube channel ng Raffy Tulfo in Action segment ng Wanted sa Radyo.