Paglalagay ng mas malaking plaka sa motorsiklo isinabatas na

Pirmado na at ganap nang isang batas ang panukalang paglalagay ng mas malaki at mas madaling mabasang plate number sa mga motorsiklo na ang layunin ay wakasan ang mga krimen ng mga motorcycle-riding criminals.

Noong ika-8 ng Marso ay nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11235 o ang Motorcylce Crime Prevention Act. Ang kopya ng nasabing batas ay inilabas ng Malacañang Palace sa media nitong Huwebes, ika-14 ng Marso.

Imahe mula sa Suzuki

Batay sa ulat ng Philstar, inaatasan ng bagong batas ang Land Transportation Office (LTO) na maglabas ng bagong plate numbers na mas malaki at madaling mabasa. Ang nilalaman ng plaka ay dapat mababasa mula sa likuran at harapan ng motorsiklo kahit sa layong 15 metro. .

Saklaw din ng bagong batas ang mga tricycle.

Ang mga ilalabas na bagong plaka ay may color scheme para sa bawat rehiyon ng bansa upang madaling malaman kung saang lugar nakarehistro ang motorsiklo.

Ang sinuman na maaaktuhan na nagmamaneho ng motorsiklo na walang readable plates ay parurusahan ng prision correccional o pagkakabilanggo na hindi bababa sa anim na buwan at hindi hihigit sa anim na taon at multang hindi hihigit sa P100,000.

Imahe mula sa FFE Magazine

Kukumpiskahin din ang mga motorsiklong walang malaking plaka at dadalhin sa Philippine National Police.

Kaugnay nito, inaatasan ng bagong lagdang batas ang Department of  Interior and Local Government na tiyaking may impounding areas ang lahat ng mga local government units para sa makukumpiskang motorsiklo at tricycles.

Sa ilalim ng bagong batas, inaatasan ang lahat ng may-ari ng motorsiklo na mag-apply sa LTO ng required na readable license plates hanggang ika-20 ng Hunyo 2019. Ang LTO naman ay binibigyan ng hanggang December 31, 2019 para mag-produce, release at issue ng bagong readable license plates.