National ID ilalabas na sa Setyembre ngayong taon

Tinatayang anim na milyong Pilipino ang mabibigyan ng first batch ng national ID sa buwan ng Setyembre ngayong 2019.

Ayon sa ulat ng Manila Times, nakahanda na ang Philippine Statistics Authority ( PSA – ang dating National Statistics Office o NSO) na ipatupad ang Republic Act 11055 o ang Philippine Identification System (PhilSys) Act at inaasahang sa buwan ng Setyembre ay ilalabas na ang mga unang national IDs.

Imahe mula sa Facebook account ni Gloria Macapagal-Arroyo

Ipinahayag ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na tiniyak sa kanya ng pamunuan ng PSA na magsasagawa na ng registration para sa national ID sa nabanggit na buwan.

“I am happy that it’s all systems go for the National ID system based on the timeline they have presented to us this morning,” sabi ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo noong Martes,ika-12 ng Marso.

Ayon sa Deputy Statistician ng PSA na si Lourdes de la Cruz, ang mga unang ire-rehistro para sa PhilSys o national ID system ay ang mga indigents, persons with disability at mga kawani ng pamahalaan sa ilang key areas ng bansa.

Imahe mula sa PSA

Aniya, ang maaaring magpa-rehistro ay mga Pilipino at resident aliens na may edad na limang taon gulang pataas.

Libre ang pagpaparehistro.

Ang mga impormasyong kailangang kunin sa mga magpaparehistro ay ang biometrics (thumbprint, iris at face scanning), buong pangalan, kasarian, address, petsa ng kapanganakan, lugar ng kapanganakan, blood type at kung isa ka bang Filipino o resident alien.

Ang impormasyon tungkol sa marital status, email address at mobile phone number ay optional lang.

Imahe mula sa PSA

Ang mga registrants ay bibigyan ng permanenteng PhilSys number at ang identification card ay mai-isyu ilang araw matapos ang authentication ng impormasyong ibinigay.

Ang National ID card ay magsisilbi bilang single identification system para sa lahat ng mga Filipino citizens at resident aliens upang hindi na kailanganin pang magprisinta ng iba pang ID kapag may transaksiyon sa gobyerno at pribadong sektor.

Target ng PSA na makapag-isyu ng 100 million national IDs sa taong 2022.