Mga street kids nagbebenta ng gawa nilang artwork sa halip na mamalimos

Halos sa lahat na yata ng panig ng bansa ay may mga batang pagala-gala sa mga lansangan at nanghihingi ng limos sa mga taong dumaraan. Ang iba pa nga ay makikitang sumasampa sa mga pampasaherong jeep at nag-aabot ng sobre sa mga pasahero.

Kahirapan o kapabayaan ng mga magulang? Anuman ang dahilan na nagtulak sa kanila para maging palaboy sa kalsada ay nakalulungkot dahil sa kanilang murang edad ay dapat nasa loob sila ng mga silid-aralan.

Sa Calbayog City sa Samar, marami ring mga batang palaboy doon, pero ang nakagugulat ay sa halip na manghingi ng limos ay nagbebenta sila ng mga artworks na dinrowing nila sa mga piraso ng karton.

Imahe mula sa Facebook account ni Adrian Moslares

Noong ika-20 ng Pebrero, nag-viral ang isang Facebook post ni Adrian Moslares tungkol sa mga batang kalye sa nabanggit na bayan. Aniya, dakong alas-siyete ng gabi ay napadaan siya malapit sa Gaisano Grand mall nang mapansin niya ang isang grupo ng mga batang kalye.

Nakita niyang abala ang mga bata sa pagdo-drawing. Napansin niya rin ang mga nakahilerang art works at isang maliit na karatula na nagsasabing “Art for Sale.”

Imahe mula sa Facebook account ni Adrian Moslares

Napag-alaman ni Adrian na isang artist na nagngangalang Dennis Calag (ang lalaki sa larawan na may kulay asul na bag) ang nagtuturo sa mga bata na mag-drawing at ibenta ang mga iyon sa mga tao imbes na mamalimos. Mula piso hanggang limang piso bawat isa ang presyo sa drawing nila.

“Dun po ako na touch at kinunan ko ng picture para magsilbing inspiration sa ibang kabataan at tsaka sa ibang artist and hoping also na there is somebody na willing tumulong sa mga Batang Palaboy,” sabi pa ni Adrian.

Imahe mula sa Facebook account ni Adrian Moslares

Dahil sa viral post ay maraming netizens ang nagsabi na bibili sila ng artwork ng mga bata kapag napagawi sila sa Gaisano Grand mall.

May ilan pa na nagsabing dapat silang maitampok sa isang programa sa telebisyon para magsilbing inspirasyon sa mga batang katulad nila.