Malaking suweldo balewala sa mga pulis na sagad sa buto ang pagiging corrupt – NCRPO chief

Noong pumasok ang taong 2018 ay ipinatupad ang pagbibigay ng mas mataas na sahod sa mga pulis at iba pang uniformed personnel ng pamahalaan. Inaasahan na sa halos dobladong sahod nila ay lalayo na sa korapsyon ang mga alagad ng batas.

Naglabas pa nga noon ng isang pahayag ang dating National Capital Region Police Office (NCRPO) chief na si Oscar Albayalde – na ngayon ay hepe na ng Philippine National Police (PNP) – na isang malakas na motibasyon para sa mga kapulisan ang pagtaas ng kanilang buwanang suweldo upang umiwas sa mga katiwalian.

Imahe mula sa Facebook page ng PNP

“Siguro naman po ‘yan ay isang magandang motivation na para sa ating mga kapulisan na talagang ‘di na gagawa ng katiwalian o kung anumang kalokohan,” pahayag noon ni Albayalde na ibinalita ng Kicker Daily News.

Aminado naman ang bagong NCRPO Chief na si Guillermo Eleazar na nabawasan na ang mga pulis na gumagawa ng mga kalokohan, pero sinabi niya rin na ang pagtaas ng buwanang suweldo ay balewala o walang epekto sa mga pasaway na pulis na sagad sa buto ang pagiging tiwali.

“Logically, ‘pag nakitang mas malaki ang suweldo mo, eh gagawa ka ba ng kalokohan? So nabawasan ‘yan. Pero kung sagad na sa buto ang kalokohan ng isang pulis – eh kahit pa siguro tatlong beses, o apat na beses – kung ‘yung greed at saka ‘yung easy money for easy life ang kanyang panuntunan, eh talagang walang-wala,” ani Eleazar sa isang panayam.

Imahe mula sa video ng GMA

Ang naturang panayam kay Eleazar ay kasunod ng pagkakahuli sa tiwaling pulis na kinilalang si Police officer 2 Marlo Quibete mula sa Eastern Police District na nangotong ng P200,000 sa mga kaanak ng isang suspek sa krimen.

Nakatanggap pa ng pambabatikos si Eleazar sa ginawa niyang pagkompronta kay Quibete. Kinuwelyuhan, minura, dinuro-duro at puwersahang hinila ang buhok upang itaas ang mukha para makita niya nang “eye to eye” ang korap na pulis.

Sa kabila noon ay sinabi ni Eleazar na hindi siya titigil sa pamamahiya ng mga tiwaling pulis.

Screenshot mula sa video ng GMA

“Hindi tayo titigil na ipahiya ang ating kasamahan. Para lang malaman ng lahat na hindi natin ito-tolerate ‘yun,” anang hepe ng NCRPO. 

Aniya, tama lang ang ginawa niya kay Quibete dahil ang mga corrupt na katulad nito ang sumisira sa pangalan ng PNP.