Labor groups nagbabala laban sa mga employers na lalabag sa expanded maternity leave law

Sa magkahiwalay na pahayag, binalaan ng Partido Manggagawa (PM) at Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ang mga employers na magsasagawa ng mga discriminatory practices upang makaiwas sa pagsunod sa Expanded Maternity Leave (EML) Law.

Ang mga pahayag ng mga labor groups ay kasunod ng inilabas na resulta ng pag-aaral na isinagawa ng Employer Confederation of the Philippines (ECOP) hinggil sa sentimyento ng mga kasapi nito tungkol sa EML.

Ayon sa Business Mirror, batay sa resulta ng ginawang pag-aaral ng ECOP, 68% ng 70 companies na lumahok sa nasabing pag-aaral ay nagsabi na ang EML ay makakaapekto sa desisyon ng management sa pag-hire ng mga babaeng workers.

Imahe mula sa Partido Manggagawa

“Anti-women” daw ang ginawang pahayag ng ECOP, sabi ni TUCP President Raymond Mendoza.

“This is an expression of intent by these employers that they will violate the law. This is tantamount to an admission that employers will now be discriminating against women in their hiring practices,”  saad ng TUCP president.

Ayon naman kay PM Party-list Secretary General Judy Ann Miranda, ang pag-aaral na ginawa ng ECOP ay isa raw na kalkuladong galaw para maimpluwensiyahan ang drafting ng implementing rules and regulations ng EML.

“Ecop will no doubt lobby for exemptions and deferments similar to that in the wage orders of regional wage boards,” sabi ni Miranda.

Nanawagan sa Department of Labor and Employment ang PM at TUCP na maglabas ito ng isang pahayag upang maiwasan na gumawa ang mga employers ng discriminatory practices na labag sa EML.

“The DOLE must now speak loudly and clearly – this is unlawful discrimination,” pagbibigay-diin ni Miranda.

Ipinaalala ng dalawang labor groups na ang paglabag sa EML sa ilalim ng section 18 nito ay may multang 20,000 hanggang 200,000 o pagkakakulong ng anim na taon hanggang labingdalawang taon; o pareho.