Dalawang Pinoy talents nagpakitang gilas sa semifinals ng “Asia’s Got Talent”

Kabilang sa walong contestants ang dalawang Pinoy talents na nagtanghal sa semifinal round ng Asia’s Got Talent noong Huwebes, ika-14 ng Marso.

Naunang nagpakitang gilas ang Pinoy hand shadow artist na si Shadow Ace na ang tunay na pangalan ay Philip Galit. Matatandaang awtomatiko siyang nakasali sa semifinal round ng reality talent search show matapos siyang bigyan ng “Golden Buzzer” ng show hosts na sina Alan Wong at Justin Bratton.

Muling napahanga ni Shadow Ace ang tatlong judges na sina David Foster, Jay Park at Anggun sa kakaiba niyang talento; dahilan para sabihin ni Foster na malaki ang tsansa niyang makapasok sa finals.

“I made my living with my hands. You stand a very good chance of making your living with your hands. It’s brilliant, I absolutely loved it. It’s unique it’s incredible. I bet we’re gonna see you back here in the finals,” sabi ni Foster.

Ang ikalawang Pinoy naman na nag-perform ay ang dose-anyos na gitaristang si Rock Opong. Inawit niya ang kantang “I Believe.”

Mahusay ang performance ng batang gitarista pero hindi nakursunadahan ni David Fioster ang napili niyang kantahin. Hindi raw bagay sa edad niya ang kanta ni Elvis Presley.

“I didn’t think it was the right choice for you tonight. I think you could’ve picked a better song, more suited to your age,” sabi ni Foster kay Opong.

Ngunit pinuri pa rin naman ni Foster ang husay ni Opong. Posible raw itong maging isang “star” kung pagbubuhusan ng panahon ang musika.

“But listen to me carefully. If you do everything your whole life towards music and devote your life to it, I honestly believe that you can be a star,” anang sikat na kompositor.

Sinegundahan naman ni Anggun nag sinabi ni Foster. Tinawag niyang “super talented young man” si Opong.