Guro, ipinasulat ang pangarap ng bawat estudyante para sa isang special class picture

Sabi nila, sa hayskul daw naroon ang pinakamagaganda at pinakamakukulay na karanasan ng maraming mag-aaral. Punong-puno rin ito ng mga aral na tumatatak sa puso at ng pag-asa na lahat ng pangarap ay posibleng matupad sa hinaharap.

Imahe mula kay Darwin Reginio

Para sa isang guro sa President Sergio Osmeña, Sr. High School, bawat pangarap ay mahalaga at makatutulong nang malaki para pagbutihin ng isang mag-aaral ang kanyang sarili — kaya naman may “espesyal na partisipasyon” ang pangarap nila ng kanyang mga estudyante sa class picture nila.

Sa panayam ng Definitely Filipino sa guro na si Darwin Reginio, ibinahagi ng guro na malalim na ang gabi at patulog na siya noong maisip niya na ipasulat sa mga bata kung ano ang gusto nilang ‘maging’ sa hinaharap.

“Una kong class picture sa bago kong eskwelahan…naisip ko sabihan ang advisory class ko na isulat ang pangalan nila sa bond paper kasunod ang pangarap nila sa hinaharap,” pagbabahagi ng guro.

May malalim na dahilan daw ang nasabing hakbang at hindi isang gimik lang. Aminado ang guro na talagang nagiging problema niya ang ilan sa kanyang mga estudyante.

“Mapait ang araw-araw na makita ko silang kaunti sa mga klase nila. Gayundin ang [marinig ang mga hindi magagandang] kumento ng mga guro nila. Ngunit hindi iyon hadlang para patuloy ko silang intindihin at tulungan na makumpleto ang kanilang ika-10 baitang, at mapalapit sa kanilang pangarap,” saad niya.

Noong gabing iyon, naisip daw niya na kung isusulat ng mga estudyante ang pangarap nila at makukuhanan sila ng litrato hawak ang isinulat, maipapaalala raw sa mga ito ang mga pangarap na nais nilang abutin. Magiging inspirasyon daw ito ng mga mag-aaral upang magsumikap at ituwid ang sarili.

“Kung anu-ano ang wacky shots na nauuso sa class picture pero ako, nais ko sila maiba at mapaalala sa kanila na may pangarap sila kaya dapat sila magsumikap,” wika ng guro.

Ilan sa mga nakasulat sa mga hawak na papel ng mga estudyante ay ang “future engineer”, “future doctor”, “future accountant”, at marami pang iba.

At ang nakasulat sa papel na hawak ni Sir?

“Sir Dada. Mag-aabang sa future nila.”

Source :

Facebook