Chinese na nanaboy ng taho sa pulis, papanagutin

Mananagot sa batas ang isang Chinese matapos nitong isaboy ang dalang taho sa pulis na sumita sa pagdadala niya ng nasabing liquid item sa loob Metro Rail Transit (MRT); isang bagay na mahigpit nang ipinagbabawal ngayon ng Department of Transportation (DOTr).

Imahe mula sa Mandaluyong PNP

Ayon sa press statement ng DOTr, alinsunod sa ipinatutupad na policy ng MRT-3, pinagbawalang pumasok sa Boni Station ang foreigner na si Jiale Zhang, 23, hanggang hindi pa niya nauubos ang dala niyang taho.

Dahil ayaw sumunod ni Zhang sa dalawang security personnel, minabuti ng mga ito na i-turn over ang dayuhan kay PO1 William Cristobal para mas mapaliwanagan ito tungkol sa nasabing security policy.

Habang pinaliliwanagan, bigla na lamang isinaboy ni Zhang ang dala niyang taho kay Cristobal.

Nakuhanan ng ilang train passenger ang tagpong iyon at kaagad na kumalat sa social media ang mga larawan. Ikinagalit ito ng maraming netizens.

“Sinita ka dahil bawal na mga drink or any form of liquid sa MRT. Isa kang dayuhan, Ma’am. Hindi ka marunong rumespeto,” ani Pau Mesias.

“Sa akin lang naman, kapag nasa bansa n’yo kami, todo ang pagsunod namin sa batas ninyo. Mas ginagalang pa nga namin minsan ang batas n’yo kaysa sa sarili naming batas, pero wala namang ganiyanan,” sabi naman ni Sikat na Blager.

Umani naman ng papuri ang pulis dahil sa hindi nito pagpatol sa ginawa ng dayuhan.

Dinala kaagad si Zhang sa PNP-RMFB Detachment sa Shaw Boulevard Station pagkatapos ng insidente.

Nasa ilalim na ngayon ng kustodiya ng pulisya si Zhang; na sinampahan ng Direct Assault, Disobedience to Agent of Person in Authority, at Unjust Vexation.

Humingi na ito ng tawad sa kanyang ginawa, ngunit ayon sa ilang ulat ay posible itong ma-deport.

‘Para sa inyong kapakanan’

Samantala, ipinaalala ng DOTR na noon pa man ay ipinagbabawal na sa loob ng tren ang pagdadala ng mga hindi selyadong pagkain at inumin dahil maaaring maging dahilan ang mga ito ng mga hindi kaaya-ayang pangyayari.

Binigyang-diin din nito na ang pagbabawal ng anumang uri ng liquid sa MRT ay para rin sa seguridad ng mga pasahero.

Source :

DOTr, DOTr