Rochelle, naantig sa mga regalo ni Nora para sa kanyang anak

Naantig ang damdamin ng dancer-turned-actress na si Rochelle Pangilinan sa mga regalong ibinigay sa kanya ng Onanay co-star niya na si Superstar Nora Aunor.

Sa Instagram, ibinahagi ni Pangilinan kung paano siya natuwa sa mga iniregalo ni Aunor sa kanya noong nakaraang Pasko.

Image via Rochelle Pangilinan’s IG

“Share ko lang ang mga kaganapan. Simula nang nakilala ko sa Onanay si Ms. Nora Aunor, napahanga na ‘ko sa ugaling ipinapakita niya sa ‘kin, sa fans niya, sa lahat ng tao sa set ng Onanay,” saad niya. “‘Yung lagi ko siyang makaeksena ay sapat nang regalo sa ‘kin.”

“Pero ginulat niya ko sa pa-surprise niyang gifts sa ‘kin,” kuwento niya.

Aniya, sobrang touched siya sa regalo nito na isang baby stroller na punung-puno ng iba’t ibang gamit ng baby para sa magiging panganay nilang anak ng aktor na si Arthur Solinap.

“Biniro ko pa siyang ‘Binigyan mo naman ako ng surprise baby shower’ sabay tawa namin. Pero no’ng pauwi na ‘ko ng bahay, ang naisip ko lang ay ‘yong naisip niya ‘kong pagkaabalahan o pag-isipan pa, puwede namang simple na Christmas gifts lang, like pagkain o gamit ng babae, etc. Pero naisip niya kami ng baby ko…pinag-isipan niya talaga!” wika ni Pangilinan.

“‘Yong pagkaabalahan ka ng nag-iisang Superstar…at binigyan ako ng halaga. Ang saya-saya talaga! Kaya pala maraming nagmamahal sa kanya at hanggang ngayon ay nandyan pa rin sila,” dagdag pa niya.

Hindi raw umano magsasawa si Pangilinan na magkuwento tungkol sa kabutihan ng Superstar.

“Hindi ako magsasawang ikuwento, hanggang sa magiging apo ko, ang kabutihan niyang ginawa sa lahat ng tao na nasaksihan ko sa maikling panahon na nakasama at nakatrabaho ko siya. Sa akin, maraming dahilan kung bakit nakilala mo ang isang tao, hindi aksidente lang. Sa dami ng naikuwento n’ya sa ‘kin sa buhay na pinagdaanan niya, marami akong natutuhan. I am really blessed,” sabi pa ng aktres.

Kakaiba raw ang Superstar kaya hanggang ngayon ay hindi siya binibitawan ng mga Noranians worldwide at nationwide — patuloy siyang minamahal, hinahangaan at iniidolo — kaya hindi raw nakapagtataka kung umabot na sa more than 100 episodes ang kanilang seryeng Onanay sa Kapuso network.

Hindi na rin daw nakapagtataka kung muli itong mabigyang ng magandang teleserye ng GMA ngayong 2019.