Overstaying na Koreanong nagpanggap na Pinoy, nabisto sa NAIA

Sa kalaboso ang bagsak ng isang Korean national na nagpanggap na Pilipino nang mabisto ito ng mga immigration officer sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

Sinabi sa ulat ng Abante na nagtatangka ang Koreano na umalis ng bansa patungong Vietnam gamit ang pekeng Philippine passport.

Kinilala ni Bureau of Customs Commissioner Jaime Morente ang Koreano na si Kwak Dong Hee, 26 taong gulang. Nasabat si Kwak sa departure area ng paliparan habang nakatakdang lumipad sakay ng Cebu Pacific Airlines patungong Saigon, Vietnam.

Imahe mula sa Out of Town Blog

Nagpanggap si Kwak bilang isang Eric Nacis, na isinilang mula sa Koreano at Pilipinang magulang noong 1992 sa bayan ng Meycauayan sa Bulacan.

Nabisto ang pagpapanggap ni Kwak dahil sa mga alertong immigration officers sa NAIA. Kapansin-pansin daw na hindi ito marunong magsalita ng Tagalog o anumang lokal na diyalekto.

“It was during questioning that he admitted his true identity as a Korean citizen and that the Philippine passport he presented is fraudulently-acquired,” pahayag ni Commissioner Morente.

Imahe mula sa Manila Informer

Matapos ang masusing pagtatanong sa kanya, umamin kalaunan si Kwak na parehong Koreano ang kanyang mga magulang at ang pasaporteng hawak niya ay illegal niyang nakuha kapalit ng halagang P120,000.

Isang Koreano rin daw ang tumulong sa kanya na magkaroon ng pekeng pasaporte at birth certificate.

Si Kwak ay isang overstaying alien na dumating sa bansa noon pang 2015, ayon sa tala ng BI.

“Our records check showed that Kwak last arrived in the Philippines on Aug. 27, 2015, hence he has already been overstaying for more than three years,”  ani Carlo Gomez ng BI Travel Control and Enforcement Unit.

Kasalukuyang nakapiit si Kwak sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City habang hinihintay ang deportation proceedings laban sa kanya.

Samantala, nagbabala si Morente sa mga banyagang katulad ni Kwak na nagtatangkang lusutan ang mga awtoridad ng bansa. Hindi umano nila malulusutan ang mga well-trained immigration officers.

“These schemes will not pass. Our officers have a trained eye in detecting fraud. These aliens should not even consider attempting such schemes, lest they want to end up detained and deported,” babala ni Morente.