57 pasaway na motorista nasampolan sa 1st day ng mataas na multa sa illegal parking

Ipinatupad na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) noong Lunes, ika-7 ng Enero, ang pagpapataw ng mataas na multa laban sa mga motorista na lalabag sa mga batas-trapiko tulad ng illegal parking, road obstruction at yellow bus lane.

Ayon sa ulat ng Manila Standard, sa isinagawa ng MMDA na simultaneous operations sa unang araw ng implementasyon ng bagong regulasyon, limampu’t pitong (57) mga sasakyan ang naaktuhang ilegal na nakaparada sa mga lansangan ng F.B. Harrison Street, Taft Avenue at Gil Puyat Avenue sa Pasay City; Quirino Highway, Roxas Boulevard, at T.M. Kalaw Street sa Maynila, at sa Baclaran, Parañaque City.

Imahe mula sa WLKY

Ang mga pasaway na may-ari ng mga nasabing sasakyan ay natiketan sa unang tatlong oras pa lang ng operasyon – mula alas-siyete ng umaga hanggang alas-diyes ng umaga.

Ipinaalala ni MMDA General Manager Jose Arturo Garcia, Jr. na ang mga sasakyang nakaparada sa kalsada sa harap ng bahay ng may-ari ay matitiketan din ng illegal parking.

“Vehicle owners thought that they own the road in front of their houses. They have benefited long enough. It’s time for motorists and the government to utilize the thoroughfare,” ani Garcia.

Imahe mula sa Change.org

Ang pagpataw ng mataas na multa ay simula pa lang ng agresibong pamamaraan na gagawin ng MMDA upang madisiplina ang mga pasaway na motorista, partikular na sa mga gumagamit ng EDSA, C5 Road, Commonwealth Avenue at Aurora Boulevard.

Ani Garcia, umaasa sila na sa pamamagitan ng mataas na multa sa tatlong nabanggit na traffic violations ay magbago ang mga makasariling pag-uugali ng mga iresponsableng motorista.

Sakop ng bagong patakaran ang lahat ng pampublikong lansangan sa Metro Manila maliban sa mga kalsada sa loob ng mga pribadong subdibisyon at iba pang lansangan na sakop ng umiiral na parking ordinances.

Ang illegal parking, road obstruction (gaya ng loading and unloading sa bawal na lugar at pagpasok sa one way street) at ang paglabag sa yellow bus lane ang tatlong batas-trapiko na madalas labagin ng maraming motorista, ayon sa MMDA.

Nilinaw ng ahensiya na hindi pa itataas ang multa sa iba pang traffic violations.

“None yet for other violations. Let’s just focus on the mentioned violations so that people will be aware of the increase in fines. All the [other] violations are being reviewed,” ani Michael Salalima, chief of staff ng Office of the MMDA General Manager.